PANGGUGULANG NG CHINA SA BAJO DE MASINLOC SINUBUKANG ULITIN

SINUSUBUKAN ng China na ulitin ang panggugulang sa Pilipinas noon sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc sa karagatan ng Zambales sa ginagawa nito ngayon sa Julian Felipe reef na nasa karagatan naman ng Palawan.

Noong 2012, nagkaroon ng stand off sa pagitan ng Pilipinas at China sa Bajo de Masinloc. Isang tradisyunal na fishing ground ng mga ­Filipinong mangingisda matapos pumasok na lang basta-basta ang modern conqueror na bansang ito sa ating teritoryo.

Namagitan ang Estados Unidos sa panahon ni dating US President Barack Obama at pinagkasundo ang Pilipinas at China na alisin nila kapwa ang kanilang puwersa sa Bajo de Masinloc para maiwasan ang putukan.

Sumunod ang Pilipinas pero hindi sumunod ang China at hanggang ngayon ay binabantayan ng kanilang Coast Guard ang Bajo ­Masinloc na teritoryo natin. Kung baga nagulangan tayo ni Chinese President Xi ­Jinping na mula nang maging Pangulo ng China ay naging agresibo sila sa pag-angkin ng buong South China Sea.

Ngayon inuulit nila ang panggugulang sa Julian Felipe Reef sa North of Palawan nang biglang magdatingan ang 220 militia fishing vessels sa lugar na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Sa personal kong pananaw, walang ipinag-iba ang Chinese militia sa mga pirata ng karagatan noong unang panahon. Modern Pirate nga lang sila mula sa bansang maituturing na modern conqueror.

Ganyan na ganyan ang eksena noong 2012 sa Bajo de Masinloc at nang magkaroon ng stand off pinaalis nila ang kanilang mga pirata, militia pala pero pinalitan nila iyun ng puwersa ng Chinese Coast Guard.

Nakikinita ko na mangyayari ulit yan sa Julian Felipe Reef kaya dapat maging pro-active ang Armed Forces of the Philippines at Philippine Coast Guard dahil kung hindi ay mapapasakamay muli ng China ang isa na naman ­nating teritoryo sa West ­Philippine Sea.

Sa ayaw at sa gusto ng China, dapat silang umalis sa ating teritoryo at sana ay hindi na magpagulang ulit ang bansa sa kanila. Dapat matututo sila sa karanasan natin sa Bajo de Masinloc.

Sakaling magkaroon ng stand off hindi dapat umalis ang Pilipinas sa Julian Felipe Reef hangga’t hindi masiguro na walang maiwang kahit isang pirate vessel, militia vessel pala sa lugar.

Ang panggugulang din na ito ng China ang dahilan kaya nagkakaisa na ang mga first world countries sa pagkondena sa puwersa ni Xi Jinping sa tila pananakop nilang muli sa isa pang ­teritoryo ng Pilipinas.

Meron na nangyaring insidente na panggugulang at hindi na dapat payagan ng international community na maulit muli dahil wala nang maniniwala sa lahat ng sinasabi ng China.

Iba ang kanilang sinasabi sa kanilang ginagawa kaya natural lamang na hindi sila dapat pagkatiwalian dahil hindi lang sa Pilipinas nila ginagawa ang panggugulang kundi sa iba’t- ibang bansa pa.

Sa katunayan, yung katuwiran ng China na nagkakanlong lang yung mga barko nila sa Julian Felipe Reef dahil maligalig daw ang karagatan ay siya rin nilang dahilan noong 1995 nang magkanlong daw sila sa Mischief Reef o Panganiban Reef pero ngayon ay tinayuan na nila ng military facilities.

Kaya nararapat lamang na huwag pagkatiwalaan ang China lalo na’t gusto ni Xi Jinping na siya ang maghari sa buong mundo. Binuwag nga nila ang mga Dynasty sa China pero gusto nilang magtatag ng Dynasty sa Mundo. Tumigil kayo!

130

Related posts

Leave a Comment