PANIBAGONG PASAKIT SA TAUMBAYAN PINALAGAN ROAD USERS’ TAX TATAAS NA

TAX-3

PINALAGAN ng mga militanteng mambabatas sa mababang kapulungan ng Kongreso ang panibagong pasakit sa buwis na nakatakdang ipataw sa mamamayang Filipino sa pamamagitan ng road users’ tax.

Sa botong 239 pabor, 5 ang kontra at isa ang hindi bumoto, pinagtibay na sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill (HB) 6136 na inakda ni Albay Rep. Joey Salceda na nag-aamyenda sa motor vehicle users’ charge (MVUC) at dagdagan ang buwis na binabayaran ng mga may-ari ng mga sasakyan taon-taon.

Sa ilalim ng nasabing panukala, tataas ng 90% ang road users’ tax na babayaran ng mga may-ari ng mga sasakyan sa loob ng 3 taon at muling tataas ng 5% sa mga susunod na taon.

Pinalagan ito ng mga militanteng mambabatas tulad nina ACT party-list Rep. France Castro dahil panibagong buwis ito na ipapapasan sa mga ordinaryong mamamayan na posibleng maging dahilan para tumaas din ang presyo ng mga bilihin lalo na sa pagkain.

Ipinalalabas umano ng mga may-akda sa nasabing panukala na isang progresibo ang pagbubuwis na ito dahil itutulong sa mahihirap lalo na sa transport sector ang malilikom na buwis subalit duda dito si Castro dahil ipinangako na ito sa TRAIN Law subalit hindi pa napakikinabangan ng mamamayan. BERNARD TAGUINOD

227

Related posts

Leave a Comment