HINDI ako makikipagtalo sa mga taong nagsasabing matindi ang suliranin ng Pilipinas laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), sapagkat hindi maipagkakailang napakalala ng problema ng bansa sa sakit na ito.
Ayaw ko ring makipagdebate sa mga taong nagsasabing bigyan ng pamahalaan ng kaukulang pansin ang COVID-19, sapagkat ito naman ang nararapat gawin ng mga opisyal ng pamahalaan, lalo na ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ngunit, makikipagpitpitan ako ng bayag kung pagbabawalan ninyo akong kampihan at suportahan ang ginawa nina Representatives Lord Alan Velasco ng Marinduque, Paulo Duterte ng Davao City at Eric Yap ng ACT-CIS party-list laban sa pangalang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) o Paliparang Pandaigdig ng Ninoy Aquino (PAPANinoy).
Handang-handa rin akong wasakin ang inyong mga pagkatao kung pipilitin ninyo akong paniwalaan ang sinasabi ng ibang tao na wala sa lugar at hindi solusyon ang pagpapalit ng PAPANinoy sa ibang pangalan laban sa lumalalang kalagayan ng COVID-19 sa bansa, kaya hindi ito dapat unahin.
Tingin ko, hindi inuuna nina Velasco, Duterte at Yap na gawing Paliparang Pandaigdig ng Pilipinas (PPP) ang pangalan ng NAIA o PAPANinoy.
Naniniwala akong biglang naisip ng tatlo na nararapat at napapanahon nang palitan ang pangalang NAIA dahil kumbinsido silang maling-mali ang pangalang ito.
Walang masama rito, sapagkat hindi porke mahigit 35,000 na ang bilang ng mga Filipino na nagkaroon ng COVID-19 ay hindi na mag-iisip ang mga mambabatas na baguhin ang nakikita nilang mali sa ating lipunan.
Kung natatandaan ninyo ang konteksto nang ipalit ang NAIA o PAPANinoy sa Manila International Airport (MIA) ay siguradong magagalit kayo nang todo at baka nga biglang ipakulam pa ninyo ang liderato at mga kasapi ng Kongreso noong 1987.
Noong pangulo si Corazon Cojuangco Aquino na sobrang bagsak ang ekonomiya ng bansa, ang Republic Act No. 6639 o ang PAPANinoy o NAIA ang isa sa mga naunang ipinasang batas nito.
Ang gross domestic product (GDP) ng bansa sa panahong iyon ay mahigit dalawang porsiyento lang.
Ibig sabihin, kalunus-lunos ang ekonomiya ng bansa.
Napakaraming Filipino ang walang trabaho, pero napakataas ng presyo ng mga bilihin.
Sa halip na unahin ng Kongreso na ibangon ang ekonomiya, partikular ang pagkakaroon ng trabaho ng napakaraming Filipino, inunang bigyan ng puwesto si Benigno “Ninoy” Aquino Jr. upang kilalanin at saluduhan ang kabayanihan daw ng politikong ito noong 1983.
Noong Agosto 21, 1983 ay pinatay si Ninoy ni Rolando Galman, nabalitang “hitman” ng New People’s Army (NPA) ang trabaho nito.
Nagkaroon ng imbestigasyon ang pamahalaan, ngunit hindi malinaw kung bakit pinatay ni Galman si Aquino.
Hindi rin malinaw kung paanong nakapasok sa compound ng MIA si Galman upang mapatay nito si Aquino.
Syempre, hindi natumbok ng imbestigasyon ang katotohanan at ang tamang motibo ng pagpatay kay Ninoy.
Maraming katanungan sa malabong kuwento hinggil sa asasinasyon kay Ninoy.
Noong 1987 kung saan naging pangulo ang asawa ni Ninoy na si Corazon Cojuangco Aquino ay biglang naging ‘pambansang bayani’ si Ninoy.
Naging batas ang R.A. 6639 na nag-utos kay Aquino na gawing NAIA o PAPANinoy ang MIA.
Hindi nilagdaan ni Aquino ang panukalang batas, kaya ang naging “press release” ng Malakanyang ay hindi gusto ni Aquino na maging batas ang panukalang gawing NAIA ang MIA.
Ngunit, tiyak akong sinabi ng mga henyong abogado ng pamahalaan kay Aquino na awtomatikong magiging batas ang nasabing panukala kahit hindi niya lagdaan dahil nakasaad at itinakda ng Saligang Batas ng 1987 na awtomatikong batas ang panukalang batas 30-araw mula nang ihatid ito sa tanggapan ng pangulo.
Upang hindi mangyari ito, kailangang i-veto ng pangulo ang panukalang batas upang maibalik ito sa Kongreso.
Subalit, sadyang hindi ito ginawa ni Cory Aquino.
Kaya, naging NAIA ang MIA.
Samakatuwid, malinaw na gusto rin ni Aquino na pangalan ng kanyang asawa ang pandaigdig na paliparan ng Pilipinas.
Huwag kalimutan na naganap ito sa panahong bagsak na bagsak ang ekonomiya ng bansa kung saan napakaraming Filipino na walang trabaho at napakataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ang mga panawagan noon ng mamamayang Filipino kay Aquino ay iangat ang ekonomiya, gumawa ng mga kongkretong hakbang upang magkaroon ng maraming trabahong papasukan ang mga Filipino, kumilos upang bumaba ang presyo ng mga batayang bilihin, ipawalang bisa ang lahat ng panlabas na utang ng bansa at iba pang hakbang na maganda at positibo ang epekto sa mamamayang Filipino at sa bansa.
Pero, isa sa mga nangunang mangyari sa panahon ni Aquino ay gawing PAPANinoy ang pangalan ng paliparan ng bansa.
Ang isa pang binigyan ng kaukulang pansin ay ang hindi pagkakasama ng napakalawak na Hacienda Luisita ng pamilya ni Corazon Cojuangco Aquino sa Tarlac sa Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng pamahalaan.
Ngayong 2020, makalipas ang 33 taon, masama bang mayroong mga mambabatas na naghahangad ituwid ang pagkakamaling nagawa ng pangulo at mga henyo sa Malakanyang at Kongreso noong 1987?
Syempre, wala itong kinalaman sa COVID-19.
Hindi rin naman ito solusyon upang mapigilan ang pagpasok ng COVID-19 sa bansa.
Ibang problema ang hangad na tapusin ng panukalang batas nina Velasco, Duterte at Yap.
Naniniwala akong gusto nilang tiyaking ang paliparang pandaigdig ng Pilipinas ay nakapangalan sa ating bansa at hindi sa kung sinu-sinong Filipino lang, lalo na hindi malinaw kung bakit naging bayani ang taong ito.
Kung pangalan ng bayani ang gustong ipangalan sa paliparan, walang dudang napakarami nating totoong bayani na pinatay dahil nakipaglaban sa mga kaaway ng bansa upang makalaya ang ating
bansa mula sa mga dayuhan tulad nina Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, Gregorio del Pilar at Macario Sakay.
Hindi iyong Ninoy Aquino na batang-batang nagsimula na maging pulitiko hanggang namatay bilang pulitiko.
Hindi si Ninoy na wala namang ginawa upang umangat ang ekonomiya ng bansa noong senador pa siya kundi batikusin nang batikusin lang si Pangulong Ferdinand E. Marcos.
Ito ang regular na ginagawa ni Ninoy Aquino sa Senado bilang paghahanda na maging pangulo ng bansa kapalit ni Marcos.
Kaya, napapanahon nang tapusin na ang PAPANinoy.(NELSON BADILLA)
