HINDI na nakuha pang tumawag sa istasyon ng pulisya ang mga nakatalagang security guard at maging ang nangangasiwa ng isang residential condominium building sa Makati City makaraang magwala umano ang isang mataas na opisyal sa gobyerno.
Gayunpaman, naitala ng noo’y duty security guard na si Mohiden Abdulhak sa opisyal na logbook ng Eslabon Security Agency ang umano’y pagwawala ni Solicitor General Jose Calida na lubhang uminit ang ulo dahil sa siyang elevator ng residential condominium building sa naturang lungsod.
Sa salaysay ng sekyu, pinagmumura at binantaan pa umano silang papatayin ng nasabing opisyal na dati nang sangkot sa kontrobersiya dahil sa mga nakalululang allowances at cash advances nito sa kanyang pinamumunuang tanggapan ng pamahalaan.
“Bull shit! Sabihin mo sa mga administrador niyo na ipagawa agad ang elevator niyo. Sabihin mo ha. Kailangan areglado na yan pagbalik ko ha. Kung hindi, kayo pagdidiskitahan ko. Pagpapatayin ko kayo,” ang sinabi umano ni Calida, ayon sa gwardyang naka-duty nang mga oras na iyon.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang administrador ng nasabing condominium building kung saan nagwala ang naturang opisyal.
Naging kontrobersyal din si Calida bunsod ng mga naglabasang balita hinggil sa P408-milyong government contracts na nasungkit ng Vigilant Investigative and Security Agency na noo’y pagmamay-ari ng kanyang pamilya.
Taong 2016 nang si Calida ay itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang Solicitor General, isang posisyong katumbas ng isang Kalihim. Nang sumunod na taon, nagdeklara ito ng P37-million net worth sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth o SALN.
Bilang isang presidential appointee, takaw-pansin ang nakalululang tinatanggap nito sa gobyerno – tumataginting na P27.9 milyon sa allowances pa lamang, pinakamalaki sa kasaysayan ng nasabing tanggapan.
Pangalawa rin siya sa talaan ng mga government official na tumatanggap ng pinakamataas na sweldo para sa mga taong 2019 at 2020. (FERNAN ANGELES)
