Kontratista sa P1.1-B contract sa DepEd NAMUMURONG MA-BLACKLIST

HANGAD ng administrasyong Duterte na iukol ang nalalabing panahon ng kanyang panunungkulan sa pagpuksa sa katiwalian at iyan mismo ang pinanghahawakan ng Department of Education nang magpasya itong rebisahin ang isang P1.1-bilyong transaksiyong nasungkit ng JC Palabay Enterprises Inc., gamit ang mga “dinoktor” na dokumento.

Sa isang liham na ipinadala sa SAKSI Ngayon ni Education Undersecretary Salvador Malana, lubos siyang nagpasalamat sa mga mapanuring peryodistang naging daan upang lalo pa nilang pagbutihin ang kanilang trabaho sa ahensiyang may mandatong tiyakin ang kalidad at integridad ng edukasyon para sa mga Filipino.

Bilang patunay ng kanilang maagap na aksiyon, agad niyang inatasan ang Bids and Awards Committee na nangangasiwa sa procurement ng mga “self-learning modules” para sa agad na pagrerepaso ng mga papeles na isinumite ng JC Palabay Enterprises Inc. na una nang napaulat na hindi kwalipikado para sa mga government bidding contract batay sa mga dokumentong nasa pag-iingat ng departamento.

Pangako pa ni Malana, hindi nila kailanman kukunsintihin o palalagpasin ang katampalasan ng sinomang kontratista – kesehodang may padrino pa, sa kanilang tangkang panlalansi sa gobyerno lalo pa’t ang salaping itinutustos sa mga ito ay mula sa dugo’t pawis na ibinabayad bilang buwis ng mahigit 100 milyong Filipino.

Hindi man direktang sinabi ni Malana, malinaw na masasampolan ang JC Palabay Enterprises sakaling mapatunayang totoo ang mga alegasyon laban sa kanila. Sa ilalim ng umiiral na Republic Act 9184 o ang “Government Procurement Reform Act,” posibleng patawan ng diskwalipikasyon o ma-blacklist ang mga kontratistang hangad ay isahan ang gobyerno.

Bukod doon, pagmumultahin o sasampahan ng kasong kriminal ang mga mapatutunayang lumabag sa nasabing batas.

Nag-ugat ang isyu nang isiwalat sa pahayagang SAKSI Ngayon ang diumano’y “misrepresentation” na ginawa ng kumpanyang JC Palabay Enterprises na nakuhang sungkitin ang P1.1 billion contract para sa paglilimbag ng learning modules para sa mga mag-aaral ng pampublikong paaralan para sa school-year 2021-2022.

Malinaw sa kanilang isinumiteng Net Financial Contracting Capacity na hanggang P100 million halaga lang ng government contracts ang pwede nilang salihan para sa bidding – at hindi P1.1 bilyon na 11 ulit na mas malaki kaysa sa itinakdang limitasyon ng JC Palabay Enterprises. (FERNAN ANGELES)

190

Related posts

Leave a Comment