KASABAY ng pagsisimula ng election period bukas, Pebrero 11, umapela ang isang grupo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Commission on Elections (Comelec) na ipatigil muna ang pagbibigay ng ayuda.
Ginawa ng Makabayan bloc sa Kamara ang panawagan matapos ilunsad ng Comelec ang “Kontra Bigay Committee” laban sa mga politikong mamimili ng boto ngayong midterm election..
Ayon sa nasabing grupo, malaking tulong sa kampanya laban sa vote buying kung ipagbawal ng Comelec ang kontrobersyal na Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) mula bukas hanggang sa matapos ang halalan sa Mayo 12, 2025.
Nakadisenyo aniya ang AKAP bilang mekanismo ng vote buying kaya kailangang ipatigil ang programang ito.
“AKAP is a highly politicized dole out. It’s a result of a Congressional insertion that traditional politicians put in place in time for the 2025 elections,” ayon sa Makabayan bloc.
Hiniling din nila na alisan ng papel ang mga politiko sa iba pang ayuda tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Dapat anilang ipaubaya sa DSWD at DOLE ang nasabing programa habang nais ng grupo na tablahin ng Department of Health (DOH) ang referrals ng mga politiko sa government hospitals.
“Ang pagbantay sa balota at pagtiyak na hindi mababahiran ng korapsyon ang bawat boto ay isang napakalaking responsibilidad. Pero dapat sama-sama tayo magmasid sa mga galawang ito.
Dapat makiisa rin ang Comelec sa panawagang ito, kahit na makakabangga nito ang mga maimpluwensyang politiko,” ayon sa nasabing grupo. (BERNARD TAGUINOD)
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)