(JOEL O. AMONGO)
NANAWAGAN ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa House committee on ethics and privileges ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na aksyunan ang reklamong isinampa ng mga katutubong Lumad laban kay ACT Party-list Representative France Castro.
Ang kaso ay isinampa noong December 2024.
Inihayag din ng NTF-ELCAC ang paghanga nito sa katapangan ng mga katutubong Aeta-Manobo Tribal Council of Elders at Leaders of the Talaingod Indigenous Political Structure (IPS) sa paghahanap ng hustisya at pananagutan.
Ipinakikita anila ng mga katutubo ang paninindigan nito laban sa pananamantala sa kanila at protektahan ang kanilang karapatang-pantao at dignidad ng mga Lumad community, lalo na sa kanilang mga anak.
Ang panaghoy ng mga Lumad ay kailangang tugunan ayon sa task force lalo na ngayong panahon na ang bawat Pilipino ay umaasa sa ‘public institutions’ gaya ng Kongreso tungo sa pagsulong ng kapayapaan, pagkakaisa at kaunlaran.
Sa kabila ng ibinabang hatol ng korte noong July 2024 laban kay Castro at labing-dalawa pa, sa pang-aabuso sa mga Lumad, ang kanilang pananagutan ay hindi pa naisasagawa, sa kabila na anim na taong pagkakabilanggo na hatol sa kanila.
Sa mata ng mga Lumad, ang mabagal at tila walang katiyakang aksyon ng House of Representatives ay nagsasaad na ang grupo nila Castro kasama ang Makabayan bloc ay ‘di kayang sampahan o hatulan ng kanilang mga kasamahan sa Kongreso.
“We challenge Rep. Castro to walk her talk when speaking of accountability and justice. If she truly stands by these principles, she should submit herself to the ethical scrutiny demanded by the very people she has wronged. This is an opportunity for her and her colleagues to demonstrate genuine adherence to the values they claim to champion,” ang hamon ng NTF-ELCAC kay Castro.
Nanawagan din ang NTF-ELCAC sa House of Representatives na ipakita ang kanilang pakikipag-isa sa mga Lumad at Talaingod nang masiguro na ang kanilang paghahanap sa hustisya ay talagang may patutunguhan.
Nakasalalay rin ang integridad ng Kongreso sa pagpapataw ng kaukulang parusa sa kapwa nila mambabatas kapag nakataya rito ang pananagutan at public trust.
“Ever the purveyor of fake narratives, Castro and the Makabayan bloc shamefacedly claim that Lumad parents continue to support them. But the July 2024 rally, attended by hundreds of Lumad parents and community members supporting the conviction, clearly demonstrated their demand for full accountability from Castro and her co-convicts,” ang pahayag ni Undersecretary Ernesto C Torres Jr., Executive Director ng NTF ECAC
“The NTF-ELCAC stands with the Lumad in this crucial fight. Justice for Talaingod’s Lumad people has long been overdue, and it is time for the wheels of justice to turn without further delay,” dagdag pa ni Torres.
