MULING nanawagan si Senador Erwin Tulfo sa Department of Tourism (DOT) na paigtingin ang pagpapababa ng presyo ng domestic flight tickets para makipagsabayan sa mga kalapit na bansa sa Timog-Silangang Asya, na nakararanas ng pagtaas ng bilang ng international tourists.
Matatandaang una itong inihain ni Tulfo sa Senate plenary debates para sa 2026 DOT Budget, kung saan sinabi niya na “Mas gusto ng ating mga mamamayan na magtungo sa Hong Kong o Taiwan dahil mas mahal ang one-way ticket papuntang Batanes o one-way ticket papuntang Tawi-Tawi kumpara sa round-trip ticket papuntang Hong Kong.”
Tumugon naman si 2026 DOT Budget Sponsor Senador Loren Legarda: “Kinikilala ng DOT na ang mataas na airfare ang pangunahing hadlang sa paglalakbay. Nakikipagtulungan sila nang masinsinan sa Department of Transportation (DOTr), Civil Aeronautics Board (CAB), DTI, at sa PCC (Philippine Competition Commission) upang tugunan ito.”
Binanggit din ni Legarda na nagpapatuloy ang mga konsultasyon upang tapusin ang isang code of conduct para sa mga online travel agency upang masiguro ang transparency at fair pricing, alinsunod sa Internet Transactions Act.
Ang pahayag ni Tulfo ay dulot ng pagiging nasa dulo ng Pilipinas sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya pagdating sa international tourist arrivals.
Ayon sa datos mula Enero hanggang Agosto 2025 ng seasia.stats, nakapagtala ang Malaysia ng 28.24 milyong international tourist arrivals, sinundan ng Thailand (21.88 milyon), Vietnam (12.9 milyon), Singapore (11.6 milyon), Indonesia (10.04 milyon), at ang Pilipinas (3.96 milyon).
“Ito ang pangunahing hadlang upang palakasin ang lokal na turismo—ang pagtaas ng presyo ng domestic airfare. Mayroon tayong magagandang beach sa Basilan, mayroon tayong magagandang beach sa Jolo, Tawi-Tawi, at iba pang bahagi ng bansa. Mayroon tayong magandang tanawin sa Batanes. Sa kasamaang palad, napakamahal nito,” pagdidiin ni Sen. Erwin.
Bukod sa pag-aalok ng mas murang presyo sa mga domestic destination, inirekomenda rin ng mambabatas ang paglikha ng direct flights sa mga probinsya sa bansa at ang mas malawak na promotion ng mga tinaguriang underrated na lalawigan tulad ng Marinduque, at iba pa.
25
