NAGPAKITA ng tikas at tapang si House Majority Leader Sandro Marcos matapos kusang humarap sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) kahit walang subpoena at hindi itinuturing na akusado.
Kusang dumalo ang batang Marcos sa ICI para sagutin ang mga isyung ibinato kaugnay ng umano’y budget insertions na nabanggit ni dating kongresista Zaldy Co.
Mariin niyang tinawag na “walang batayan” ang paratang at sinabi pang mas mabuti itong harapin nang direkta kaysa gawing circus sa pulitika.
Sa gitna ng mga pagdinig na karaniwang nauuwi sa sigawan at drama, nanatiling kalmado si Marcos. Hindi nakipagsagutan online, hindi nagpa-press release ng giyera. Tahimik lang na humarap para linawin ang isyu.
Hiniling pa niya ang executive session para umano’y “panatilihin ang usapan sa totoong isyu, hindi sa ingay at pulitika.”
Para kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, malinaw ang mensahe ng Majority Leader.
“Ang kusang pagharap ay tunay na paggalang sa institusyon. Ang pananagutan ay tungkulin, hindi performance,” ani Goitia.
Ayon pa kay Goitia, ipinakita ni Marcos na trabaho, hindi ingay, ang sukatan ng liderato.
“Ang totoong lider, hinaharap ang usapin. Hindi nagtatago sa ingay o palusot,” dagdag niya.
Sinabi pa ni Goitia na sa panahon ng paninira at walang basehang paratang, mas nakikita ang tunay na tapang sa tahimik na composure kaysa sa maingay na pulitika.
“Hindi nasusukat sa ingay ang tapang. Makikita ito sa tahimik na pagharap na may katapatan at malinis na konsensya.”
Pinuri rin niya ang pagpapalaki ng mag-asawang Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta Marcos sa kanilang anak.
“Pinalaki nila ang anak na may diwa ng tungkulin at respeto sa serbisyo publiko. May dahilan silang ipagmalaki si Sandro.”
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na civic groups, kabilang ang ABKD, PADER, LIPI, at FDNY Movement, na tumitindig para sa katotohanan at dangal ng sambayanang Pilipino.
38
