TINATAYANG 55% ng mga Pilipino ang naniniwalang dapat munang makita at masuri ang mga ebidensyang ihaharap bago magpasya ang mga senador bilang mga hukom sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, ayon sa pinakabagong non-commissioned survey ng OCTA Research.
Sa impeachment trial, conviction o acquittal lamang ang maaaring maging pinal na pasya ng mga senador bilang impeachment court.
Batay sa July 2026 Tugon ng Masa (TNM) nationwide survey, sinabi ng OCTA Research na “it is still too early to decide” para sa mayorya ng mga Pilipino at nais muna nilang makita ang mga ebidensyang ihaharap sa paglilitis.
Nasa 55% ang nagsabing nais muna nilang makita ang ebidensiya bago humatol, habang 21% ang pabor sa acquittal o pagpapawalang-sala kay VP Sara. Nasa 17% naman ang pabor sa conviction o paghatol sa Bise Presidente at pagpapatalsik sa kanya sa puwesto, habang 7% ang walang opinyon o undecided.
“The results suggest that there is currently no significant public mandate for either conviction or acquittal,” ayon sa OCTA Research.
Sinabi rin ng OCTA Research na karamihan sa mga Pilipino ay nagpipigil muna sa pagbibigay ng hatol at binibigyang-halaga ang presentasyon at pagsusuri sa mga ebidensiya bago magkaroon ng pinal na desisyon.
Nanguna ang evidence-first position sa apat na pangunahing geographic areas—NCR (56%), Balance Luzon (58%), Visayas (53%) at Mindanao (48%).
Samantala, Mindanao ang nagtala ng pinakamataas na preference for acquittal na 41%, habang Balance Luzon naman ang may pinakamataas na support for conviction na 22%.
Sa socioeconomic classes, nanguna rin ang evidence-first position sa Class ABC (64%), Class D (54%) at Class E (50%). Sa Class E, 30% naman ang pabor sa acquittal.
Isinagawa ang fieldwork para sa July 2026 TNM nationwide survey mula Hulyo 4 hanggang 11, 2026, sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 registered voters na edad 18 pataas.
May margin of error itong ±3% sa national level at ±6% para sa NCR, Balance Luzon, Visayas at Mindanao, na may 95% confidence level.
(CHRISTIAN DALE)
50 