Para sa taong 2023 ISANG TRILYON TARGET NI RUIZ

Ni JOEL O. AMONGO

KUNG gusto, may paraan, kung ayaw, maraming dahilan. Ito marahil ang nagtulak sa pamunuan ng Bureau of Customs (BOC) para itaas ang antas ng target collection ng kawanihan bago matapos ang kasalukuyang taon.

Sa isang kalatas, itinakda ni BOC Commissioner Yogi Filemon Ruiz ang mas mataas na target collection bunsod ng malusog na kalakalang dala ng pagbabalik sa normal ng ekonomiyang nasadlak dahil sa pandemya. Aniya, kakayanin ng ahensya na mahagip ang tumataginting na P1-trilyong koleksyon sa pagpasok ng taong 2023.

Gayunpaman, nilinaw ng opisyal na “internal target” lamang ang direktibang ipinaabot sa 17 BOC district collection offices at mga tanggapan sa ilalim ng naturang kawanihan.

Sa ilalim ng itinakdang internal target, inilatag din ni Ruiz ang mga paraang inaakala niyang magbibigay-daan para sa mas malaking ambag na pondo para panustos ng pamahalaan sa mga makabuluhang programa at proyektong ikagiginhawa ng mga mamamayang Pilipino.

Sa datos ng Department of Finance (DOF), lumalabas na higit na mataas ang “internal target” na ikinasa ni Ruiz kumpara sa puntirya ng Deve­lopment Budget Coordination Committee (DBCC).
Ang DBCC ang tanggapang inatasang magtakda ng taunang collection target ng mga revenue-generating agencies – kabilang ang BOC at Bureau of Internal Revenue (BIR).

Para sa kasalukuyang taon, P721.52 bilyon ang itinakdang target ng DBCC para sa BOC. Gayunpaman, walang kahirap-hirap na hinigitan ng BOC ang target collection sa unang linggo pa lang ng buwan ng Nobyembre, matapos magtala ng P745.50 bilyon.

Para naman sa susunod na taon, inatasan ng DBCC ang BOC na magsampa ng P765.6 bilyon, habang P803 bilyon naman ang target para sa 2024 at P863 bilyon naman sa 2025.
Sa ulat naman ng BOC Financial Service Office, lumalabas na lahat ng 17 district collection offices ng BOC ay nagawang higitan ang kani-kanilang revenue target.

173

Related posts

Leave a Comment