Parke sa Navotas, lockdown din 14-DAY STRICT LOCKDOWN SA 55 BARANGAY SA PASAY

IPATUTUPAD sa loob ng 14-araw ang “strict lockdown” sa 55 barangay sa Pasay City upang matiyak na hindi kumalat ang COVID-19 sa buong lungsod.

Inihayag ito ng City Health Office nang umabot sa mahigit 400 ang mga kaso ng COVID-19 sa lungsod mula sa mahigit 300 nitong nakalipas na linggo.

Naniniwala ang City Health Office na ang istriktong 14-day lockdown ang sagot sa mabilis na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Batay sa rekord ng City Health Office, umabot na sa 7,650 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19, habang naitala sa 7,059 ang mga gumaling at 196 ang namatay. (MARINHEL T. BADILLA)

Samantala, makaraang isailalim sa granular lockdown ang Navotas City Hall dahil sa pagpositibo sa COVID-19 ng 24 kawani nito, pansamantalang isasara rin ang Navotas Centennial Park simula Pebrero 25, hanggang sa susunod na abiso ng lungsod.

Ani Mayor Toby Tiangco, ang naturang hakbang ay sa paghahangad na pigilan ang mga pagkakataon na magkaroon ng malakihang pagtitipon-tipon dahil maaari itong maging ‘super spreader event’ o aktibidad na pagmumulan ng malawakang hawaan ng COVID-19.

Inilahad ng punong lungsod na noong Pebrero 6 ay 33 na lamang ang active cases sa lungsod, pinakamababa sa taong ito. Ngunit noong Pebrero 24 ay sumirit ito sa 209 matapos na 15 ang magpositibo at walo lamang ang gumaling.

Binigyang-diin ni Tiangco na kailangang pigilan ang lalong pagdami ng mga kaso at ito ay magagawa sa pamamagitan ng pagpapatupad ng precautionary measures.

“Araw-araw, lalo na pag-Sabado at Linggo, dinadayo po ang Navotas Centennial Park ng mga gustong mag-exercise o tumambay lamang. Nakikita po nating dagsa ang mga tao rito, Navoteño man o hindi, at madalas sila ay nagkukumpulan kahit ilang beses na po tayong nagpaalala na panatilihin ang social distancing,” patuloy niya.

Giit ng alkalde, dahil sa pagtaaas ng mga kaso at pangangailangan na magpatupad ng mga polisiya para mapangalagaan ang kalusugan ng ating mamamayan, bagama’t di niya nais, ay kailangang maghigpit para sa kabutihan ng lahat.

Kaugnay pa rin ng lockdown sa City Hall, nagpadala ng pormal na liham si Tiangco sa Sangguniang Panlungsod, sa pangunguna ni Vice Mayor Clint Geronimo, kung saan nakasaad ang kahilingang “extremely certified urgent” para palawigin ang palugit sa pagbabayad ng sumusunod mula Pebrero 28, 2021 hanggang Marso 5, 2021: business permit/license; permit to operate para sa mga tricycle at pedicab/de padyak na may plakang nagtatapos sa 4, 5 at 6; permit to operate para sa mga tricycle, pedicab/de padyak at e-bike na kailangan nang i-renew at mag-i-expire ngayong Pebrero 2021, at regulatory sticker para sa public utility jeepney (PUJ) na may plakang nagtatapos sa 2.

“Hangad po natin ang agarang pagpasa ng ordinansa ukol dito. Patuloy po tayong mag-ingat lalo na’t dumadami na naman po ang ating mga kaso. ‘Wag po tayong pakampante dahil nariyan pa po ang panganib na magkasakit,” ani Tiangco. (MARINHEL T. BADILLA/ALAIN AJERO)

140

Related posts

Leave a Comment