PARLADE TABLADO KAY YORME

KAKAIBANG uri ng ­pagiging opisyal ng militar ang pinuno ng Armed Forces of the Philippines Southern Luzon Command (AFP SolCom) na si Lt. General Antonio ­Parlade Jr.

Sindakan ang istilo ng kaniyang liderato at kapag umaray ang sinomang tamaan ng kaniyang matalas na bibig tiyak iyon ang talo.

Nagpakita agad ng angas si Parlade nang kaniyang ired-tag ang mga sikat na aktres na sina Liza Soberano, Angel Locsin at ang 2018 Miss Universe na si ­Catriona Gray.

Bagaman todo tanggi ang Heneral sa tuligsa ng pagrered-tag sa tatlong sikat na personalidad subalit klaro sa kaniyang mga ­naging pahayag ang pagsasangkot niya sa mga ito sa mga grupong may koneksyon umano sa CPP-NPA.

Hindi pa siya nakuntento dahil pati ang sikat na alkalde ng lungsod ng Maynila na si Isko Moreno ay hindi niya pinalampas.

Kwinestyon niya ang desisyon ni Yorme nang pagtatanggalin nito ang mga banner at tarpaulin na bigla na lang nagsulputan sa lungsod at may nakasulat na i­dinedeklarang persona non grata ang mga rebeldeng komunista.

Simple lang naman ang gusto ni Yorme kaya pinagbabaklas nila sa Maynila ang mga tarpaulin kontra CPP-NPA. Sa panahon nga naman ng pandemya bunga ng covid-19 virus, pagmamahalan at pagtutulungan ang gusto nilang isulong sa Maynila at hindi ang galit at pagkondena.

Sa desisyong ito ni Yorme ay hindi nangangahulugan na sumusuporta siya sa grupong makakaliwa at lalong higit sa mga terorista na gaya ng sinasabi ni Parlade.

Kaya walang dahilan para siya ired-tag ng nabanggit na Heneral.

Kung trabaho ng militar na isulong ang kapayapaan at seguridad sa bansa, sa palagay natin hindi lang trabaho kundi isang ­obligasyon at pananagutan ng mga local executives gaya ni Yorme Isko na bigyan ng proteksyon sa karahasan at kaguluhan ang mga ­mamamayang kaniyang nasasakupan.

Kaya walang basehan ang pagred-tag ni Parlade. Hindi dahil tablado ang mga propaganda nila kay Yorme ay magpaparatang na ito na sumusuporta sa mga kalaban ng pamahalaan.

Mukhang umiral lang ang pagiging matabil ng kaniyang dila at para siyang naging isang armalite na nag-shooting spree na kahit sino na lang ang tamaan ay okey lang.

Ngayon ay panay ang kambiyo ng Heneral matapos ding pagsabihan nina Defense Secretary Delfin Lorenzana at Interior and Local Government Secretary Eduardo Ano na mag-ingat sa pagbibitaw ng salita.

Ang mahirap din kasi sa ilang mga opisyal ng militar ay para silang kabayo na may tapalodo.

Natatakpan ang kanilang dalawang mata pati na ang tenga at kung ano ang kanilang sabihin ay iyon na ang tama at karapat-dapat.

Mabuti siguro ay mag-ensayo ang mga ito na ilagay ang kanilang sarili sa pagiging sibilyan para kanila namang maramdaman ang tunay na kalagayan ng lipunan.

Tama ang sabi ng aktres na si Angel Locsin, hindi dahil magkaiba ng paniniwala ay magkalaban na. Lahat naman tayo ay naghahangad ng ­kapayapaan at ­kaginhawahan ng buhay para wala ng ­nagrerebelde at nagsasagawa ng armadong pakikibaka laban sa pamahalaan. Kapit lang.

264

Related posts

Leave a Comment