PARTY DRUGS, HULI SA NAIA

NAGBUBUNGA na ang pina­igting na kampanya kontra droga ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos mabulil­yaso ang tangkang pagpupuslit papasok ng bansa ng P6.57 milyong halaga ng party drugs na higit na kilala bilang ecstasy.

Sa isang operasyon, kumpiskado ang 3,865 piraso ng ecstasy na ikinubli sa mga nakatuping tarpaulins na bahagi ng isang bagaheng dumaan sa Ninoy Aquino International Airport kamakailan.

Batay sa paunang imbestigasyon, lumalabas na mula pa sa bansang Germany ang mga nasabat na drogang nasilat mismo sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa lungsod ng Pasay.

Inilipat na rin sa pag-iingat ng PDEA ang mga nasamsam na droga para gamiting bahagi ng mga ebidensiyang kalakip ng mga kasong isasampa laban sa mga nakadeklarang personalidad batay sa nakalap na mga dokumento.

Kamakailan lang, dinakma rin ng mga operatiba ng BOC at PDEA sa Central Post Office sa Maynila ang isang empleyado ng bangko na aktong tinatanggap ang bagaheng naglalaman ng mga party drugs na nakapangalan sa kanya. Nakapiit at nahaharap na sa patung-patong na kaso ang nasabing indibidwal.

Giit naman ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, mas hihigpitan pa nila ang mga entrada ng kanilang ahensya lalo pa’t inaasahan nila ang bugso ng mga padala at papasok na kargamento para sa nalalapit na kapaskuhan.

197

Related posts

Leave a Comment