PASADO SI GUERRERO

imbestigahan natin ni JOEL O.AMONGO

KUNG ako ang tatanungin, hindi hamak na mahusay si Jagger kumpara sa mga dating komisyoner ng Bureau of Customs (BOC). Dangan naman kasi, sa kanyang panunungkulan naisulong ang reporma, kasabay ng pagyakap sa makabagong teknolohiya sa kalakalang pinanganga­siwaan ng BOC.

Sa gradong isa hanggang 10, pasok sa walo ang grado ko sa kanya Ang totoo, hindi ko personal na kilala si Jagger. Hindi ko pa nga yata siya nakakaharap ng mata sa mata. Pero ang mga nagawa niya sa ahensya, aba… nakakamangha. Sayang nga lang at patapos na ang kanyang pamumuno sa kawanihan.

Bagamat nananatili pa naman siyang Customs Commissioner, hindi umaasa si former Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Rey Leonardo Guerrero (alyas Jagger) na palawigin pa ang kanyang pamumuno sa BOC. Katunayan, naghihintay na lamang siya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mag-anunsyo ng pangalan ng kanyang nominado.

Para kay Jagger, karapatan at saklaw ng kapangyarihan ng bagong Pangulong magtalaga sa pwesto ng kanyang napupusuang pamalit sa kanyang pwesto.

May ilang pangalang lumutang na di umano’y itatalagang bagong Commissioner, kabilang ang dalawang retiradong heneral at koronel – sina Alvin Parreno at Noel Estanislao na tulad niya’y mahusay na sundalo.

Sa kabila ng pagkakadawit ng kanyang pangalan sa bulilyasong agri-smuggling, marami ang hindi kumbinsido dahil sa kanyang basbas gumanda ang takbo ng kawanihang dating kilala lamang sa larangan ng katiwalian.

Sa kanyang pamumuno, sumipa ang koleksyon, paghahain ng kasong kriminal at administratibo sa mga opisyal ng personnel ng BOC, mga importers, exporters at maging sa hanay ng mga areglador na nagkukubli sa lisenya bilang customs brokers

Sa kanyang termino rin nakita ang kabi-kabilang pagsupil ng smuggling ng droga, mamahaling sasakyan, langis, produktong agrikultura at iba pang lubhang pumapatay sa ekonomiya ng bansa.

Siya ang pasimuno ng digital transactions sa pagitan ng kawanihan at mga negosyante sa likod ng import-export business.

Sa panunungkulan din ni Jagger nasungkit ng 13 sa 17 district collection offices ang mailap na ISO Certification na patunay ng kalidad ng serbisyong dulot ng repormang sinimulan mula nang italaga sa pwesto taong 2019.

Sa kanyang kumpas nabuksan sa publiko ang mga impormasyon at transaksyong pinapasok ng BOC bilang bahagi ng kanyang transparency program.

Gayunpaman, hindi pa rin nawawala ang mga bulilyaso sa naturang kawanihan. Pero ang sigurado, maraming dorobo, tiwali at mga dispalinghadong smugglers ang binigwasan sa mahigpit niyang pamumuno.

Sana lang, ipagpatuloy ng susunod na Customs Commissioner ang nasimulan niyang reporma sa kawanihan.
* * *
Para sa may alam kung sino ang papalit kay Guerrero sa BOC, maaari po kayong mag-email operarioj45@gmail.com o magtext sa cel# 0966-429-46-12.

471

Related posts

Leave a Comment