HINDI na nagawang pumalag ng siyam na indibidwal makaraang mabulilyaso ang tangkang pagbibiyahe ng hindi bababa sa P8.3-milyong halaga ng smuggled na sigarilyo sa magkahiwalay na operasyon sa Davao at Zamboanga.
Arestado sa unang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine National Police (PNP) sa Barangay Sirawan (Toril District) sina Romel Penetrante at Robert Penetrante na kapwa residente ng Barangay Sasa ng naturang lokalidad.
Ayon kay Col. Darren Comia ng Task Force Davao (TFD), dakong alas 2:00 ng madaling araw nang matiyempuhan ng mga operatiba ang target na closed delivery truck na una nang tinukoy ng isang impormanteng nagpapakalat ng mga smuggled na sigarilyo sa iba’t ibang panig ng Mindanao.
Nang busisiin ang laman ng trak, tumambad ang nasa 4,250 ream ng sigarilyong nakalagay sa 85 kahon.
Sa lungsod naman ng Zamboanga, arestado ang pitong katao matapos makuhanan ng higit sa P6.2 milyon halaga ng mga puslit na sigarilyo sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad
sa nasabing lungsod.
Kinilala ang mga suspek na sina Benzar Jajales, Binbin Asiri, Elnejin Asiril, Minkadra Sakili, Sherwin Masakin, Adzmir Bakki at Pajing Muknan, na pawang mga residente mula sa lalawigan ng Sulu.
Magkatuwang na dinakip ng pinagsanib na operatiba ng Area Police Command-Western Mindanao at BOC ang mga suspek dakong ala-1:00 ng madaling araw sa karagatang malapit sa isla ng Manalipa ng naturang lungsod.
Sa imbestigasyon, lumalabas na nagpapatrolya ang mga operatiba nang namataan ang “MPB King” motorboat mula Sulu patungo sa direksyon ng Zamboanga Sibugay.
Nang inspeksyunin ang laman ng bangkang de-motor, tumambad ang 178 master cases ng iba’t ibang klase ng sigarilyo. Nang hanapan ng mga kaukulang papeles, wala umanong naipakita ang mga biyahero – hudyat para sila’y dakpin ng mga operatiba.
Sa imbentaryo, lumalabas na aabot sa P2.1-milyong halaga ang nakumpiskang kontrabando.
(BOY ANACTA)
509 