IPINAG-UTOS ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na itigil ang alokasyon ng passport appointment slots sa recruitment agencies.
Nakarating kasi sa kaalaman ni Locsin ang ginagawang pagbebenta ng ilang indibidwal at grupo ng passport appointment slots sa online.
Tiniyak naman ng Kalihim na hindi maaapektuhan ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa kautusan niyang ito dahil pinapayagan niya ang walk-in para sa passport processing simula Marso 14 kahit pa walang appointments.
“Recruiters will no longer be given passport slots. They will have to go online like everyone else. This won’t affect OFWs,” tweet ni Locsin.
“From March 14, OFWs will be able to walk-in w supporting docs. This should make passport appointments easier and as it should be, absolutely free for all,” dagdag na pahayag nito.
Samantala, sinabi naman ni Foreign Affairs Undersecretary Brigido “Dodo” Dulay na papayagan lamang ng DFA sa Aseana, Parañaque ang walk-in applications ng OFWs sa kondisyong kailangang mayroon ang mga ito ng “required documents.”
Nauna rito, hiniling ni Dulay sa Facebook na alisin ang “pages” ng mga indibidwal at grupo na nagbebenta ng passport appointment slots sa online. (CHRISTIAN DALE)
352
