KINUMPIRMA ni Bureau of Corrections (BuCor) Spokesman Colonel Gabby Chaclag, nadagdagan ang bilang ng mga namatay sa BUCOR riot dahil pumanaw na ang isa sa nasugatang inmates na isinugod sa ospital matapos ang insidente noong Lunes nang magsagupa ang grupo ng Sputnik at Commando gang sa maximum security compound ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Sa inisyal na ulat, tatlo ang namatay at 64 ang mga bilanggong nasugatan. Sa pagkamatay ng isa pang bilanggo ay umakyat na sa apat ang mga nasawi.
Sa panayam kay Col. Chaclag, inilipat na sa ospital ng Muntinlupa mula sa NBP Hospital ang 20 Persons Deprived of Liberty na sugatan habang ibinalik naman sa kanilang mga selda ang 43 PDLs na nagkaroon ng minor injury.
Magugunitang unang kinumpirma noong Lunes ng pamunuan ng NBP na nagkaroon ng riot na kinasangkutan ng dalawang grupo ng PDLs. (DAVE MEDINA)
