UMAPELA ang isang mambabatas sa Kamara sa mga lider ng dalawang Kapulungan ng Kongreso na ibalik na ang Philippine History subject sa basic education upang hindi maging mangmang ang mga bata sa kasaysayan ng bansa.
Ginawa ni ACT Party-list Rep. France Castro ang nasabing panawagan matapos mabahala dahil may mga opisyal aniya ng gobyerno ang hindi alam ang tunay ng kasaysayan ni Lapu-Lapu.
“Kaya isinusulong natin ‘yung House Bill (HB) 8621 na ibalik ang kasaysayan subject sa high school para mailinaw. Napakahalaga ng history natin. Parang nakakahiya tayo sa buong mundo na hindi natin alam na ang hero pala ay si Lapu-Lapu at hindi si Magellan.
Hindi nagbanggit ng pangalan si Castro kung sino ang opisyal ng gobyerno nagsabi na bayani si Magellan subalit naging viral ang post ni Cavite Vice Gov. Jolo Revilla na nagsasabing si Ferdinand Magellan ang unang bayani ng Pilipinas.
Agad na itinama ni Revilla ang kanyang post at sinabi na kagagawan ng isang intern sa kanyang social media account ang nasabing post na hindi humingi ng clearance sa mga nakatataas sa kanya.
Sinuportahan naman ito ni Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Zarate upang magkaroon ng tamang impormasyon ang mga kabataan sa kasaysayan ng bansa lalo na sa kaso ni Lapu-Lapu na noong Miyerkoes ay ginunita ang 500 taon simula nang mapaslang nito ang mananakop na si Magellan.
“Nitong nakaraang mga araw ay napakaraming revisionist statement related nga dito sa ating kasayasayan. Sino ba ang bayani…si Lapu-Lapu ba o si Magellan. Saan ba nagmula si Lapu-Lapu, siya ba ay mula sa Mindanao o isang lumad dyan sa Kabisayaan. Ano ba ang kanyang background,” ani Zarate.
Hindi rin nagbanggit ng pangalan si Zarate kung sino ang nagsabi na taga-Mindanao si Lapu-Lapu subalit sa speech si Sen. Christopher “Bong” Go sa Cebu, sinabi nito mula sa Sulu ang unang bayani ng bansa at isang Moro.
Umani si Go ng batikos hindi lang sa mga netizens kundi maging sa mga historian sa Pilipinas.
Dahil dito, sinabi ng dalawang mambabatas sa kanilang lingguhang press conference nitong Huwebes, na ibalik na ang Philippine History subject sa High School na inalis sa ilalim ng K to 12 program ng Department of Education (DepEd). (BERNARD TAGUINOD)
274
