CAPAS, TARLAC — Bilang patuloy na pagsuporta sa mga programa para sa mga nakatatanda, nakiisa ang Senior Citizens Party-list sa pamamagitan ni Representative Rodolfo “Ompong” Ordanes sa National Commission of Senior Citizens (NCSC) sa pamamahagi ng tig-₱100,000 cash gift sa apat na Aeta centenarian nitong Pebrero 11, 2026.
Personal na nakilahok si Rep. Ordanes sa aktibidad bilang bahagi ng adbokasiya ng party-list na matiyak na naaabot ng mga programa ng pamahalaan ang mga senior citizens, kabilang na ang mga katutubo at ang mga nasa liblib at malalayong lugar. Binigyang-diin ng mambabatas na ang pagkilala sa mga centenarian ay hindi lamang pagdiriwang ng mahabang buhay, kundi isang pangako na maghatid ng suporta upang mapabuti ang kanilang kalidad ng pamumuhay.
Ang mga cash gift ay ipinagkaloob sa ilalim ng Expanded Centenarians Act (ECA) at bahagi ng pagkilala sa kanilang habambuhay na ambag sa kanilang pamilya at komunidad.
Patuloy na nakikipagtulungan ang Senior Citizens Party-list sa NCSC para pagibayuhin pa ang mga sistema ng social protection at maihatid ang mas malawak na kalinga sa bawat Pilipinong senior citizen.
Ayon kay Rep. Ordanes, magpapatuloy ang party-list sa pagsusulong ng mga polisiya, sapat na pondo, at mas matatag na pagpapatupad ng mga programa upang mas mapalawak ang access ng mga senior citizen sa benepisyo, serbisyong pangkalusugan, at tulong pinansyal sa buong bansa.
11
