EPD POLICE: MEDIA IGINAGALANG NGUNIT DAPAT SUNDIN PROTOCOL

TINIYAK ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na hindi hadlang ang mga alituntunin ng pulisya sa paghahatid ng impormasyon sa publiko, basta’t hindi nakokompromiso ang isinasagawang operasyon.

Ito ang binigyang-diin ni Police Brigadier General Roman C. Arugay, District Director, habang kinikilala ang kahalagahan ng maayos na ugnayan sa pagitan ng PNP at ng media.

Ayon kay Arugay, nakadepende sa sitwasyon at pagtataya ng mga unit commander kung anong impormasyon at kuha ang maaaring ibigay sa mga mamamahayag — upang masigurong hindi malalagay sa alanganin ang mga operasyon at nasusunod ang mga itinakdang pamantayan.

Inamin naman ng mga kinatawan ng media ang pangangailangan para sa mas malinaw na gabay — lalo na kung maaaring mag-live coverage o magkuha ng larawan sa mga insidente na may nasawi o nasugatan. Ipinunto rin nila na makatutulong ang mabilis na pagbabalita sa pagtukoy ng mga posibleng suspek.

Tugon dito, tiniyak ni Arugay na hindi pinapayagan ng organisasyon ang anomang hindi magalang o hindi propesyonal na pakikitungo ng mga tauhan ng pulisya sa sinoman, kabilang ang mga mamamahayag. Kinondena niya ang mga ganitong pagkakataon at binigyang-diin na bahagi ng tungkulin ng pulisya ang pakikipagtulungan nang maayos sa publiko at sa media.

Sa kabuuan, nananatili ang pangangailangan para sa magkaparehong paggalang at pagkakaunawaan: tungkulin ng media na maghatid ng tumpak at napapanahong balita, at tungkulin ng pulisya na panatilihin ang kaayusan at kaligtasan nang hindi isinasantabi ang karapatan ng mga mamamahayag.

(KNOTS ALFORTE)

29

Related posts

Leave a Comment