SIMPLEHAN LANG

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

PASKO na naman. At gaya ng inaasahan, heto na naman ang taunang “paalala” ng Palasyo sa mga ahensya ng gobyerno na panatilihing simple ang pagdiriwang at magtipid dahil sa iba’t ibang banta—gaya na lamang ng nakaambang epekto ng El Niño.

Simple raw kamo? Madaling sabihin, pero mahirap gawin.

Kung susuriin ang tradisyon tuwing Disyembre, parang palamuti sa puno ang mga paulit-ulit na direktiba at paalalang ito—nakasabit lang pero walang kuwenta sa mga sadyang bingi. Hanggang papel at salita lang ang austerity measures. Sa dulo, marami pa rin ang pasimpleng lumulusot sa katuwirang, “Minsan lang naman sa isang taon ang Pasko.” Gusto nilang maranasan ang kasaganaan, kaya’t hindi nakapagtataka kung ang mga dumadalo sa mga Christmas party ng gobyerno ay masayang umuuwi habang may kaliwa’t kanang bitbit na papremyo at pakimkim. Siyempre, madaling maging bukas-palad kung ang gumagalaw ay pondo ng bayan o kaya’y may pahatid-donasyon pa mula sa mga kontratista. Sanga-sangang selebrasyon pa sa bawat departamento, baon ang year-end bonus at cash gift.

Ibang-iba ang kuwento sa kabilang ibayo—sa mundo ng maliliit at ilang pribadong kompanya. Sa kanila, hindi na kailangan ang paalala ng Malacañang tungkol sa pagtitipid. Paano sila magtitipid kung wala namang gagastusin? Ang ending, kanya-kanyang ambag at potluck na lang. Kung ano ang maiaabot ng bulsa, iyon ang pagsasalu-saluhan.

Dito natin makikita ang malalim na agwat ng lipunan. Ang isa, wagas kung magdiwang dahil may mahuhugot na pondo; ang isa naman, nagkakasya sa kung anong meron dahil sa hikahos na katotohanan.

Ngunit sa gitna ng ingay ng mga magarbong handaan at tahimik na pagtitipid ng iba, bumalik tayo sa pinaka-ugat ng okasyon. Palasak man pakinggan ang tema ng pagtitipid at pag-alala, huwag sana nating kalimutan ang tunay na esensya ng Pasko.

Sikapin nating gawing makabuluhan ang pagdiriwang. Higit sa lahat, lumingon tayo sa ating mga kapos na kababayan—lalo na sa mga dumaranas o may pinagdaanang krisis at kalamidad. Dahil sa dulo, ang tunay na liwanag ng Pasko ay hindi sumisikat sa mga pusong sarili lang ang iniisip, kundi sa mga kamay na bukas-palad na nagbabahagi ng malasakit sa mga tunay na nangangailangan.

29

Related posts

Leave a Comment