PAUUPUIN SA OWWA?

NAGDESISYON si Pangulong Rodrigo Duterte na italagang deputy administrator ng Overseas Workers Welfare (OWWA) ang isang retiradong heneral mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ayon sa “highly reliable source” ng Saksi Ngayon, si Labor Secretary Sylvestre Bello III ang nagsabi ng impormasyong ito.

Hindi lang binanggit ni Bello ang pangalan ng retiradong heneral.

Ang punto ni Bello ay nasabi niya sa ilang lider-manggagawa ang desisyon ni Duterte. Isa sa lider na ito ang source ng Saksi Ngayon.

Batay sa rekord, si General Felimon Santos, Jr. ang nagretiro bilang AFP chief of staff nitong Agosto 3.

Si Lt. Gen. Gilbert Gapay na pinuno ng Philippine Army (PA), ang pumalit kay Santos.

Ngunit walang sinabi na si Santos ang ilalagay ni Duterte bilang OWWA deputy administrator.

Hindi rin binanggit kung kailan ito magaganap dahil pumutok ang isyung malaganap na korapsyon sa Philippine Heath Insurance Corporation (PhilHealth) kung saan ang pinuno nito ay retiradong AFP general.

Idiniin pa ng source na sobra na ang pagtatalaga ng mga retiradong heneral dahil marami na sa kanila ang nakapuwesto.

Naging kontrobersiyal ang OWWA nang ilagay ni Duterte si Ester Margaux “Mocha” Uson sa nasabing ahensya at nang hindi nito binigyan ng ayudang pinansiyal ang mga overseas Filipino worker (OFW) na natanggal sa trabaho sa ibang bansa.

Ang umako ng ayudang pinansiyal ng mga OFW ay ang Department of Labor and Employment (DOLE).

Ang kontrobersiyal na si Morales ay itinalagang pinuno ng PhilHealth noong Hulyo 2019 na layunin ay sugpuin at tuldukan ang korapsyon at pandarambong ngunit lalo pang naging garapal at talamak ito.

Bukod kay Morales, ang iba pang yunit ng pamahalaan na retiradong militar ang hepe ay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Environment and Natura Resources (DENR), Department of Information and Communication (DITC), Bureau of Customs (BOC), Technical Education and Skills Development (TESDA) at Bureau of Immigration (BI).

Sa mga ito, ang DILG, BOC at BI ang malala ang korapsyon.

Ang DILG ay punong kagawaran ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na parehong alam ng publiko na napakatalamak ang katiwalian at korapsyon. (NELSON S. BADILLA)

176

Related posts

Leave a Comment