SA gitna ng sigalot sa pagitan ng Bureau of Correction at Muntinlupa City government kaugnay ng pagsasara ng mga kalsadang patungo sa mga kabahayan, inatasan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang mga opisyal ng BuCor na sumangguni muna bago gumawa ng anomang hakbang lalo na’t may naapektuhang mga residente.
Giit ni Guevarra, higit na kailangan ng DOJ ang mas malawak na poder para sa pangangasiwa ng BuCor na may saklaw sa New Bilibid Prisons sa Muntinlupa City.
Partikular na tinukoy ng Kalihim ang kinasangkutan gusot ng BuCor makaraang ipasara ng NBP ang isang kalsada patungo sa mga kabahayan sa Southville 3, isang residential area na pinamamahayan ng libo-libong residente – insidenteng nagtulak sa Muntinlupa LGU na ideklarang persona non grata si BuCor Director-General Gerald Batag.
Ani Guevarra, naiwasan sana ang sigalot kung mayroon lamang mas malawak na mandato ang kanyang ahensyang pinamumunuan.
“If Congress gives back a little more control to the DOJ over its attached agencies like the BuCor as Senator [Franklin] Drilon seems to propose, maybe these unpleasant incidents will happen less often,” sambit pa ng Kalihim.
Dagdag pa ni Guevarra, dapat munang sumangguni ang BuCor sa kanilang ahensya at sa LGU bago ipinasara ang kalsada – kahit pa sakop ito ng NBP reservation area. (RENE CRISOSTOMO)
