Naalarma sa pagtaas ng kaso ng COVID-19
NAGPATAWAG ng emergency board meeting ngayong araw si Philippine Basketball Association (PBA) Commissioner Willie Marcial upang mailatag ang lahat ng posibleng mangyari sa gitna ng patuloy na pagdami ng mga kasi ng coronavirus (COVID-19) sa bansa.
Ito’y kasunod ng bagong ulat ng Department of Health na mayroong 20 kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Ayon kay Marcial, gusto niyang maging handa ang liga sa anumang maaaring mangyari, kabilang na ang pagpo-postpone ng games sa kasisimula pa lang nitong Linggo na Philippine Cup.
“Puwedeng maurong ulit ‘yung schedule, puwede ring maglaro closed-door, or puwede rin namang ituluy-tuloy din natin yung mga laro.”
Magugunita na dapat sana’y March 1 pa nagsimula ang All-Filipino Cup, ngunit dahil sa coronavirus scare ay inatras ito sa March 8.
Aminado si Marcial, hindi siya umasa na dudumugin ang season opener noong Linggo. Kaya naman laking gulat umano niya nang dumagsa ang tinatayang 9,000 fans sa Big Dome.
“Ako po ay labis na nagpapasalamat na makita kayong lahat na naririto. Ito po ay pagpapatunay lang na mahal ninyo ang PBA,” sabi ni Marcial sa kanyang maikling speech. “Sana ay hindi kayo magsawa sa pagsuporta, dahil sa PBA kayo po ang bida sa amin.”
Upang masiguro ang kaligtasan ng lahat ng mga pumunta sa unang araw ng 45ht season ng PBA, naghanda ang liga ng medical supplies kabilang ang thermometer scan, hand sanitizer, at alcohol sa Araneta Coliseum.
PSL GAMES BEHIND CLOSED DOORS
Nagpasya ang Philippine Superliga (PSL) Grand Prix na maglaro “behind closed doors” simula ngayong araw (Martes) sa The Arena, San Juan City dahil sa pagtataas ng DoH Department of Health sa coronavirus disease alert level.
Ipinahayag ng PSL, mas mainam na maglaro sa “empty arena” basta’t masiguro nila ang kaligtasan ng mga atleta at officials. Dahil dito ay hindi papayagang makapasok ang fans sa laro sa pagitan ng Chery Tiggo at PLDT sa alas-5 ng hapon, na susundan ng 7 p.m. game sa pagitan ng Marinerang Pilipina at Generika-Ayala.
