KINUMPIRMA ni Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri na may nabalangkas nang mga hakbangin si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at mga stakeholders ng sugar industry kaugnay sa isyu ng asukal.
Ito ay makarang makipagpulong ang Punong Ehekutibo sa mga stakeholders ng sugar industry kasama si Zubiri upang talakayin ang isyu sa importasyon ng asukal at iba pang usapin ng mga magsasaka sa bansa.
Ayon kay Zubiri, naganap ang dalawang oras na pulong sa Malakanyang nitong Miyerkoles ng hapon.
Ibinahagi ng Senate Leader na nagpasalamat sila kay Pangulong Marcos sa pagpigil nito sa sobra-sobrang pag-aangkat ng asukal na makaaapekto nang husto sa mga lokal na magsasaka sa bansa.
Gayunpaman, kinikilala pa rin aniya ng sugar industry ang pangangailangan na mag-import ng asukal, na hindi naman dapat hihigit sa 300,000 metric tons na naunang nakasaad sa sugar order na hindi pinayagan ng Malakanyang.
Sinabi ni Zubiri na ang naging consensus na kailangan lang para sa industrial at household consumers ay mag-angkat ng 150,000 metric tons ng asukal.
Binigyang-diin pa ng senador na nagrekomenda pa ng ibang inisyatibo ang mga stakeholders ng sugar industry para matugunan ang pagtaas ng presyo ng asukal. (DANG SAMSON-GARCIA)
