NAKATAKDANG mamili at humirang ng bagong Philippine Coast Guard Commandant si Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., sa susunod na mga araw.
Bunsod ito ng nakatakdang pagreretiro ni Coast Guard Commandant Admiral Artemio Abu sa Oktubre 19, 2023.
Nabatid na limang senior officers ng Philippine Coast Guard ang kabilang sa tinaguriang shortlist ng pangulo o mga nominado ngayon bilang susunod na pinuno ng PCG na babakantehin ni Admiral Abu.
Ayon kay PCG spokesperson Rear Admiral Armando Balilo, kabilang sa mga napipisil na pumalit kay Abu ay sina Vice Admiral Rolando Lizor Punzalan, Vice Admiral Ronnie Gil Gavan, Vice Admiral Joseph Coyme, Vice Admiral Allan Victor Dela Vega, at Vice Admiral Roy Echeverria.
Nilinaw ni Rear Admiral Balilo na daraan pa ang mga nominado sa mabusising proseso at isasailalim ang mga ito sa ‘series of interviews’ at nakatakda ring humarap sa senior leadership ng Department of Transportation bago mag-endorso ang naturang kagawaran ng mga pangalan sa Office of the President.
Ngunit nilinaw ni Balilo, sa kabila ng endorsement ng DoTR ay ‘prerogative’ din ni Pangulong Marcos Jr. na magtalaga ng bagong commandant ng PCG bukod sa limang senior officers na kabilang sa sinasabing shortlist o nominado sa posisyon.
(JESSE KABEL RUIZ)
297