PBBM-ROMUALDEZ NAGKAROON NG KOMPRONTASYON SA NAIBULSANG PONDO – TIANGCO

NAGKAROON ng komprontasyon sa pagitan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng kanyang pinsan na si Leyte Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez, kaugnay ng mga paratang na pagbulsa ng pondo ng bayan at paggamit nito para sa kanyang pet project, ayon kay Navotas Rep. Toby Tiangco.

Sa isang panayam sa telebisyon, sinabi ni Tiangco na hinarap ni Marcos si Romualdez dahil sa umano’y paglipat ng unprogrammed funds sa mga proyektong pinaboran ni Romualdez at ng noo’y Ako Bicol Party-list Rep. na si Zaldy Co.

“Ilang bahay ba ang… Martin, kayo ni Zaldy, ilang bahay ba ang gusto n’yo sa Forbes Park? Gaano karaming eroplano, helicopter?” ani Tiangco, batay sa sinabi ni Marcos kay Romualdez.

“Gaano karaming caviar kaya n’yo kainin? Ilang Ferrari gusto n’yo?” dagdag pa niya.

Ayon kay Tiangco, inutusan ni Marcos si Romualdez na ibalik ang pera sa unprogrammed funds, isang utos na hindi kailanman naisakatuparan.

“Ang problema kasi ang impression kay Presidente masyadong mabait e,” wika ni Tiangco nang tanungin kung bakit sinuway ni Romualdez ang utos ni Marcos.

“Mabait siya even…tingnan mo lang ha, in one interview, he said he was so mad pero iba iyong pag tayo iyong nagsabi I’m so mad. Pero iyong sa kanya, I’m so mad pero para sa kanya iba e, mabait e,” dagdag pa niya.

Sinabi rin ng mambabatas na mula 2022 hanggang 2025, labis na nakasentro kay Romualdez ang tunay na kapangyarihan dahil siya ay kamag-anak ng Pangulo.

Dahil dito, sinabi ni Tiangco na maraming mambabatas ang nakaramdam na hindi nila maaaring kuwestiyunin ang mga desisyon o humingi ng paglilinaw nang hindi natatakot sa posibleng epekto.

“Ito ang first time na nagkaroon ng Speaker na pinsang buo. So kung may sinabi ang Speaker sa isang congressman na ganito, pwede mo ba tanungin yung Presidente na—Sir, na-clear ba to sa inyo? Sino ang maglalakas ng loob di ba?” ani Tiangco.

“Kung hindi sya kamag-anak ng Presidente, they will have the courage to clear it with the President,” dagdag niya.

Ibinunyag din ni Tiangco na batay sa mga survey na isinagawa bago ang 2025 senatorial elections, si Romualdez ang isa sa mga pangunahing dahilan ng pagbaba ng ratings ni Marcos.

“Pero doon pa lang, nakikita na ang nagpapababa sa ratings niya, si Martin,” ani Tiangco, na idinagdag pa na alam ito ng Pangulo.

6

Related posts

Leave a Comment