MISTULANG tumutugma sa pahayag ng missing sabungero whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan, alyas Totoy na ang mga hinahanap na bangkay ng mga nawawalang sabungero sa Taal Lake ay nilagyan ng buhangin o bato bilang pabigat upang hindi lumutang base sa narekober na ilang sako ng coast guard.
Sa isang pulong balitaan, inihayag ni Commodore Geronimo Tuvilla, commander ng PCG Southern Tagalog District, na may mga sako silang nakuha sa ilalim ng lawa ang may nakasilid na mga bato.
“Itong nakuha natin may sort of sinker, may pabigat,” ani Tuvilla.
Tugma umano ito sa naunang pahayag ni alyas Totoy na ang mga bangkay ng nawawalang sabungero ay inilagay sa mga sako na pinabigatan ng mga bato bago itinapon sa lawa.
“We don’t know what kind or types of rocks or stones were placed para sa sinkers, we cannot say much about that and again investigation side na ang magde-determine,” ani Tuvilla na sinasabing posibleng dahilan din para masira ang mga sako sa pag-angat ng mga ito.
Una nang inirekomenda ni forensic pathologist expert Dr. Raquel Fortun na dapat maging maingat sa pag-angat ng mga sako, at maging sa pagbubukas ng mga ito dahil posibleng maapektuhan ang pagsusuri.
Inirekomenda ni Dr. Fortun ang pagsasailalim muna sa x-ray ng bawat sakong na-recover sa Taal Lake na pinaniniwalaang naglalaman ng mga labi, bago tuluyang buksan dahil bawat piraso ng mga nakukuhang bagay ay mahalaga para sa magiging resulta ng pagsusuri.
Maaari aniyang may matagpuan dito na bala ng baril, at iba pang bagay.
Una nang sinabi ni Dr. Fortun na kung isasailalim ang mga ito sa masinsinang forensic investigation, gamit ang akmang forensic science, maaari pang makilala at matukoy kung kanino ang mga buto na unang na-recover.
Ngayon Lunes ay nakatakdang gumamit ng advanced underwater equipment ang mga technical diver ng coast guard para paigtingin ang paghahanap sa bangkay ng mga nawawalang sabungero sa Taal Lake sa Batangas.
“This is one of the equipment we will use to see underwater. We can see that the problem that is becoming more serious is the muddy and murky water,” ani PCG spokesperson Captain Noemie Cayabyab. Magagamit din umano ang aparato sa pagkuha ng larawan at para sa maingat na pag-aangat ng mga sinasabing sako ng bangkay na halos nakalibing na sa ilalim ng burak.
“Limited ang search pattern natin kasi nag-iiba talaga ‘yung description, characteristics ng tubig kahapon. Before entry OK pa ‘yung visibility. Upon reaching the bottom, 1 meter na lang ‘yung makikita mo na kaya mo ma-distinguish, poor talaga visibility,” pahayag pa ng PCG.
(JESSE KABEL RUIZ)
