TRABAHO ng prosekusyon at depensa – at hindi ng mga senator-judge – ang paghahain ng mga mosyon at pleading na may kinalaman sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ito ang paalala ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson sa kanyang kapwa senator-judge, na ang trabaho ay makinig sa prosekusyon at depensa, at gumawa ng desisyon base sa argumento nila.
“VP Impeachment Jurisdiction: A gentle caution to senator-judges of the impeachment court – we should leave the filing of all motions and pleadings to the prosecution and defense teams. Our job is to listen to their arguments and counter-arguments and make a ruling,” pahayag ni Lacson sa X (dating Twitter).
Ito ay makaraang magpahayag si Senate impeachment court spokesperson Reginald Tongol na inaasahan nila ang mainit na debate kung itutuloy ni Sen. Ronald dela Rosa ang kanyang mosyon para tanungin ang Senado sa 20th Congress kung payag itong hindi na talakayin ang impeachment case.
Ipinunto na ni Lacson noon na kung ang pagbasura sa impeachment case laban sa Bise Presidente ang pag-uusapan, defense panel at hindi senator-judge ang dapat magsulong nito.
Idiniin na rin ni Lacson na dapat umakto at magsalita tulad ng huwes ang mga senator-judge – maging patas, magsasalita lamang kung may lilinawin sa defense at prosecution, at hindi basta-bastang magpahayag ng opinyon sa kaso – dahil oobserbahan sila ng publiko habang nagsasagawa sila ng impeachment trial.
Agam-agam sa SC
May pag-aalinlangan naman si ML party-list Rep. Leila de Lima sa kautusan ng Korte Suprema sa Kamara na magsumite ng mga karagdagang impormasyon kaugnay ng proseso sa impeachment ni Duterte.
Mistula aniyang sumobra ang pakikialam ng Korte Suprema.
“Hindi kaya sumobra ang pakikialam ng Supreme Court sa impeachment na nanggaling sa House of Representative?,” tanong ni De Lima na inaasahang itatalaga bilang isa sa 11 prosecutors sa pagbubukas ng 20th Congress sa July 28, 2025.
Ang kautusan ng SC ay kaugnay ng pagkwestiyon ng kampo ni Duterte sa pamamagitan ni Atty. Israelito Torreon sa constitutionality ng impeachment case na ipinasa ng Kamara.
“Im very concerned about the…kasi kung makita mo kung ano ang mga hinihingi ng Supreme Court…with due respect with the Supreme Court….parang meron silang duda na ginawa ng tama ang proseso ng House of Representatives,” ani De Lima.
Hindi rin nagustuhan ng mambabatas ang tila pagkuwestiyon ng SC kung ang ikaapat na impeachment case ay ipinamahagi sa lahat ng miyembro ng Kamara, hindi lamang sa mga mambabatas na pumirma at nag-endorso sa nasabing kaso.
Bukod dito, mistulang duda rin umano ang SC kung binasura ng 215 Congressmen ang mga article of impeachment bago nila ito pinirmahan na ayon sa mambabatas ay pakikialam na sa proseso.
Bukod dito, interesado umano ang SC sa unang tatlong impeachment case na isinampa ng mga pribadong grupo laban kay Duterte at hindi sa ikaapat na kaso na siyang umakyat sa Impeachment Court.
Ipinaliwanag ni De Lima na mula nang isampa ang unang kaso noong December 2, 2024 ay puro suspensyon ang sesyon ng Kamara kaya hindi nalabag ang one year ban rule na siyang iginigiit nina Duterte at Torreon.
“Para sa akin, walang kwestyunable… na ang pag-forward sa Office of the Speaker ay dun na mismo sa 10th day,” ani De Lima.
(DANG SAMSON-GARCIA/BERNARD TAGUINOD)
