AGAD binawian ng buhay ang board secretary ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) matapos barilin ng riding-in-tandem sa lungsod ng Mandaluyong ngayong hapon.
Sa inisyal na ulat mula sa Mandaluyong City PNP, bandang alas-3:30 ng hapon nang tambangan ang biktimang si Wesley Barayuga sa bahagi ng Calbayog at Malinaw Streets sa Brgy. Highway Hills, Mandaluyong.
Sa paunang ulat na isinumite kay PCol. Hector Grajaldo, hepe ng Mandaluyong PNP, posibleng pauwi na si Barayuga mula sa kanyang opisina nang barilin ito ng mga suspek na nakasakay sa
motorsiklo.
Binaril din ng mga salarin ang driver ng opisyal na si Jun Gunao na ayon sa huling ulat ay nasa maselang kalagayan sa ospital.
Base sa kuha ng CCTV, tinabihan ng mga salarin ang government car na sinasakyan ng biktima saka ito binaril.
Si Barayuga, isang abogado at retiradong PNP general ang ikalawang opisyal ng pamahalaan na itinumba sa loob lamang ng isang linggo. Nauna nang pinatay si National Center for Mental Health
chief Roland Cortez na tinambangan din sa Tandang Sora Ave., Quezon City noong Lunes.
