IDINEKLARA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na isang special non-working day sa buong bansa ang Pebrero 9, 2024 bilang pagdiriwang ng Chinese New Year.
Tinintahan ni Pangulong Marcos ang Proclamation 453 nito lamang Enero 18, nagdedeklara ng nationwide holiday para mabigyan ng pagkakataon ang mga Pilipino na ipagdiwang ang Chinese New Year at i-enjoy ang mas mahabang weekend.
“The declaration of 09 February 2024, Friday, as an additional special non-working day throughout the country will give the people the full opportunity to celebrate the Chinese New Year and enable our countrymen to avail of the benefits of a longer weekend,” ang nakasaad sa proklamasyon.
Sa ilalim ng Proclamation 453, inatasan ang Department of Labor and Employment (DOLE) na magpalabas ng kaukulang circular para sa implementasyon ng proklamasyon para sa pribadong sektor.
Matatandaang noong Oktubre 11, 2023, nagpalabas si Pangulong Marcos ng Proclamation 368, nagdedeklara sa Feb. 10, 2024, bilang special non-working day sa buong bansa para sa pagdiriwang ng Chinese New Year.
Ang Chinese New Year ay tradisyonal na pagdiriwang ng mga Tsino sa pagpasok ng bagong taon batay sa sinusundan nilang lunar calendar.
Sa Pilipinas, tinawag itong Chinese New Year kung saan dati’y ipinagdiriwang lamang ng mga Tsino-Pilipino at nakasentro sa Binondo, isa sa mga pinakalumang Chinatown sa bansa.
(CHRISTIAN DALE)
410