PEKENG LTFRB EMPLOYEE TIKLO CIDG

BATANGAS – Timbog ang isang pekeng empleyado ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nangingikil sa mga operator ng mga pampasaherong sasakyan sa Purok 4, Brgy. Lodlod, sa bayan ng Lipa sa lalawigang ito.

Tinukoy ni P/Col. Marlon Santos, Regional chief ng CIDG RFU 4A, ang suspek na si Virgilio Franco alyas “Toto”.

Base sa ulat ng pulisya, hinuli ng mga operatiba ng  Criminal Investigation and Detection Group (CIDG ) 4-A si Franco sa bisa ng search warrant na ibinaba ni Judge Leo-Jon Ramos ng Regional Trial Court, Branch 85 ng Lipa City, Batangas.

Inireklamo si Franco sa panghuhuli ng mga bus, UV Express at mga pampasaherong jeep na paso ang prangkisa, habang may sukbit na baril sa kanyang baywang.

Hinihingan din nito ang mga operator ng halagang P250,000 para sa pagsasaayos ng prangkisa ng na-impound na mga sasakyan.

Kapag nakakolekta na ng pera ay agad na itong nagtatago sa kanyang mga nabiktima.

Nang beripikahin ng mga awtoridad ay nabatid na hindi ito lehitimong empleyado ng LTFRB Batangas.

Kumpiskado sa suspek ang walang lisensyang baril na caliber .45 pistol at caliber .38 revolver kabilang ang mga bala.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 o illegal possession of firearms ang suspek. (CYRILL QUILO)

162

Related posts

Leave a Comment