KINUMPIRMA ng United States Embassy sa Manila at ng Bureau of Immigration na nailabas ng Camp Aguinaldo sa Quezon City si convicted killer US Marine Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton at naisakay sa isang US military C-130 plane na nag-aabang sa Ninoy Aquino International Airport, alas-9:14 kahapon ng umaga.
Sa inilabas na statement ng U.S Embassy: “The Philippine Department of Justice authorized the release of Lance Cpl. Pemberton on September 1 and, on September 7, President Duterte granted Lance Cpl. Pemberton an “absolute pardon.”
“All legal proceedings in the case took place under Philippine jurisdiction and law. Lance Cpl. Pemberton fulfilled his sentence as ordered by Philippine courts and he departed the Philippines on September 13,” pahayag ng embahada ng US.
Dahil dito, tuluyan nang nakaalis sa bansa si Pemberton Linggo ng umaga.
Sa kumpirmasyon ni Dana Sandoval na siyang tagapagsalita ng Bureau of Immigration (BI), eksakto alas-9:14 ng umaga nang umalis ang US military plane lulan si Pemberton.
Pasado alas-5:00 ng madaling araw sinasabing inilabas si Pemberton mula sa kayang detention facility sa Kampo Aguinaldo kung saan kapansin-pansin ang ilang sasakyan at tauhan ng ahensya ng pamahalaan na nasa labas ng kulungan.
Marami ring van na nasa area, gayundin ang mga nagbabantay na sundalo.
Taong 2015 nang ma-convict si Pemberton sa kasong homicide dahil sa pagpatay sa Pinoy transgender na si Jennifer Laude habang sila ay nasa motel sa Olongapo.
Kaugnay nito, inihayag ng Department of National Defense na kanilang rerebisahin ang mga umiiral na kasunduan hinggil sa mga darating pang joint military exercise sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.
HINDI MALILIMUTAN
Bagama’t nakalipad pauwi sa Estados Unidos si Pemberton, hindi kailanman malilimutan ng sambayanang Filipino ang ginawa nitong pagpatay sa transgender na si Jennifer Laude.
Ito ang pahayag ni Bayan Muna party-list Rep. Ferdinand Gaite kaugnay ng tuluyang paglaya kahapon ni Pemberton kung saan nag-iwan umano ito ng sulat ng pasasalamat kay Pangulong Rodrido Duterte sa ibinigay na absolute pardon sa kanya at apology sa pamilya ni Laude.
“Never forget Jennifer Laude. Never forget her murder. Never forget the name of her murderer. And most of all, never forget who freed her murderer. Never forget who stole justice from all of us,” ani Gaite.
Matapos makulong ng anim na taon, binigyan ni Duterte ng absolute pardon si Pemberton noong Setyembre 7, 2020 kaya agad na prinoseso ang papeles para makalaya ito at agad umuwi sa Amerika.
Dahil sa VFA, sinabi ni Gaite na nabigyan ng special treatment si Pemberton dahil imbes na ikulong ito sa New Bilibid Prison (NBP) ay nanatili lamang ito sa pasilidad ng US Armed Forces sa Camp Aguinaldo. (JESSE KABEL/BERNARD TAGUINOD)
156 