NELSON S. BADILLA
HINAMON ng isang abogado ang Supreme Court (SC) na ilabas ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Associate Justice (AJ) Mario Victor “Marvic” Leonen upang magkaalaman kung totoong hindi nilabag ng mahistrado ang Republic Act 6713 noong nagtatrabaho pa ito sa University of the Philippines (UP) mula 1989 hanggang 2010.
Ayon kay Atty. Larry Gadon, mainam na ilabas ng SC ang SALN ni Leonen dahil konektado ang usaping ito sa “integridad” ng pinakamataas na korte ng bansa.
Ang hamon ni Gadon sa SC ay nakaugnay sa ipinarating niyang liham ilang araw na ang nakalipas kay Solicitor General Jose Calida kung saan hiniling niya na maghain ito ng petisyong “quo warranto” sa SC laban kay Leonen dahil mahabang taon ding wala itong SALN habang empleyado ng UP.
Masamang ehemplo
NANINIWALA naman si Pastor Apollo Quiboloy na “napakasamang ehemplo” ni Leonen kung bilang kasapi ng pinakamataas na korte ng bansa ay hindi nito maipatupad ang mga batas.
“It’s a bad example, very bad example because you are one of the justices of the land, Supreme Court pa naman,” bigwas ni Quiboloy.
Si Quiboloy ang pinuno at tagapagtatag ng Kingdom of Jesus Christ na nakabase sa Davao City.
“You should set [as] an example for ordinary individuals for those who are in the government to be a model of obedience to the law, because you are the ones who are the guardian of the law and you did not file your SALN for 7 years, which is very easy to do; it’s a bad example. I’m sorry for that,” patuloy na paliwanag ni Quiboloy hinggil kay Leonen.
Ang punto ng pastor ay “huwag maging lapastangan sa batas, sa halip igalang ang batas,” lalo na isang dalubhasa sa mga batas at matagal na ring kasapi ng Korte Suprema si Leonen.
Ang tinutumbok ni Quiboloy ay ang R.A. 6713, o ang SALN Law. Saklaw ng SALN
ANG SALN law ay sumasaklaw sa lahat ng opisyal at empleyado ng tatlong sangay ng pamahalaan (ehekutibo, lehislatura at hudikatura).
Ang SC ay ang pinakamataas na yunit ng hudikatura.
Ito ang punong organisasyon ng mga korte sa bansa.
Ang labing-apat na mga mahistrado na bumubuo sa SC ang siyang nagsasabi at nagpapasya kung ang desisyon at aksyon ng anomang samahan sa bansa at sinomang Filipino ay sumusunod at tumutupad, o hindi, sa mga batas ng bansa.
Ang interpretasyon at desisyon ng labing-apat, o mayorya sa kanila, ay siyang pinal kung batas ang pag-uusapan.
Kung totoo ang rekord ng U.P. at ng Office of the Ombusman na walang SALN si Leonen sa loob ng 15 taon mula sa kabuuang 21 taong pagtatrabaho niya sa U.P. ay nangangahulugang hindi natapos kay dating SC Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang isyu ng SALN na integridad ng huli ang pinag-usapan.
Integridad
SI Sereno ay natanggal sa Korte Suprema noong Mayo 2018 dahil idineklarang “wala siyang integridad” na manatiling punong mahistrado ng pinakamataas na yunit ng hudikatura makaraang mapatunayang anim na taon sa mahabang panahon ng pagiging propesor niya sa U.P. – College of Law ay hindi siya nakapagsumite ng kanyang SALN.
Ang integridad ay isa sa mga rekesito ng pagiging opisyal, o kawani sa pamahalaan, alinsunod sa itinakda at idineklara ng Artikulo VIII Seksyon 7 ng Konstitusyong 1987.
Ang desisyon ng SC ay resulta ng petisyong quo warranto na isinampa sa mataas na korte ni Calida laban kay Sereno.
Ang nasabing aksyon ni Calida ang siyang pinagtuntungan ng hakbang ni Gadon laban kay Leonen.
Nararapat matanggal
LUMIHAM si Gadon kay Calida upang kumilos din ang Office of the Solicitor General (OSG) laban kay Leonen.
Kumbinsido si Gadon na nararapat matanggal si Leonen sa SC dahil labinglimang taon ang kabuuang bilang na wala siyang inihaing SALN habang “opisyal” na konektado sa U.P.
Ang U.P. ay pag-aari, pinangangasiwaan at pinopondohan ng pamahalaan.
Si Leonen ay nagsimula sa U.P.-College of Law noong 1989.
Sa panahong ito, si Leonen ay naging vice-president for legal affairs ng unibersidad noong 2005.
Siya ay naging dekano ng U.P.-College of Law noong 2008.
Umalis siya sa pangunahing unibersidad ng estado noong Hulyo 2010 dahil itinalaga siya ng noo’y Pangulong Benigno Simeon “Noynoy” Cojuangco Aquino III bilang “chief negotiator” ng pamahalaan sa pakikipag-usap sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Pagkaraan ay itinalaga siya ni Aquino sa Korte Suprema noong Nobyembre 21, 2012.
Nabatid ni Gadon mula sa UP at Office of the Ombudsman na si Leonen ay walang isinumiteng SALN mula 1989 hanggang 2003 at mula 2008 hanggang 2009.
Kung mali ang impormasyon ni Gadon, hiling niyang ilabas ng SC ang kumpletong “employment record” ni Leonen sa U.P. upang magkaalaman kung kumpleto ang kanyang SALN, o kulang ng labinglimang ulit, sa loob ng 21 taong opisyal na pagtatarabaho nito sa naturang pamantasan.
126