Peperahin na lang kesa durugin SMUGGLED CARS ISUSUBASTA NA!

TALIWAS sa karaniwang ginagawa ng Bureau of Customs (BOC) sa mga nakalipas na taon, walang isasagawang public destruction ng mga smuggled luxury vehicles na nakumpiska sa iba’t ibang operasyon ng kawanihan.

Sa halip, isusubasta na lamang ang lima sa daan-daang kumpiskadong mamahaling sa­sakyan sa hangaring makalikom ng dagdag kitang higit na kailangan ng pamahalaan sa pagpapatuloy ng programang tugon kontra pandemya.

Bilang pambungad, isa­salang sa public auction ang tatlong unit ng Mercedes Benz, isang Porsche at isa pang Ferrari kung saan umaasa ang Department of Finance (DOF) na makalikom ng hindi bababa sa P29 milyon.

Sa isang pahayag na ipinalabas ng Bureau of Treasury, isang direktiba ang nilagdaan ni Finance Secretary Carlos Dominguez III para sa pagdidis­patsa ng mga nasabing luxury vehicles na bahagi ng mga nakumpiska sa dalawang operasyon ng BOC sa Quezon City at Pampanga.

Gayunpaman, mas magi­ging mahigpit anila ang isasagawang public auction na magkatuwang na pangangasiwaan ng mga kinatawan ng ahensyang bubuuin ng BOC, Bureau of Treasury at Land Bank of the Philippines, ayon na rin sa isang memorandum of agreement na inayunan ng mga nasabing tanggapan ng pamahalaan.

“The BOC’s partnership with reputable government agencies and the shift to an open process send a strong signal to the public that this administration is very serious in addressing
collusion in the disposal of smuggled goods,” saad ng isang kalatas na ibinahagi sa mga mamamahayag.

“Through the added network of the Treasury and Landbank, the notice of auction and other key information on the vehicles will be made available to the wider public, thus enhancing the competitive nature of the process,” dagdag pa nila.

Upang tiyaking walang bahid ng iregularidad ang pagsusubasta sa Disyembre 13, magkakaroon ng isang live-stream broadcast sa mismong public auction ng mga kumpiskadong luxury vehicles.

Sa limang sasakyang isusubasta, pinakamahal ang 2008 Ferrari Scuderia 430 na may takdang floor price sa P23.23 milyon. Para sa mga Mercedes Benza, nagtakda rin ng floor price — P1.49M para sa 2011 E220; P1.32M para sa 2001 SLK55; at P1.25M para naman sa 2001 SLK350. Para sa Porsche Boxster 2001, isusubasta ito sa halagang P1.79M.

175

Related posts

Leave a Comment