HINDI pabor si Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairman Win Gatchalian sa paggamit ng 17,910 silid-aralan sa National Capital Region bilang isolation at quarantine facilities.
Nanindigan si Gatchalian na ang pagkakaroon pa rin ng permanenteng evacuation center sa bawat lungsod o munisipalidad ang mas nararapat na hakbang laban sa COVID-19 pandemic.
Alinsunod sa Republic Act No. 10821 o ang Children’s Emergency Relief and Protection Act,
maaaring gamitin ang mga klasrum bilang evacuation centers kung kinakailangan subalit sa maikling panahon lamang.
Gayunman, sinabi ni Gatchalian na madalas na ginagamit ng mga lokal na pamahalaan ang mga silid-aralan bilang temporary shelter sa panahon ng bawat kalamidad.
Iginiit ng mambabatas na ang paggamit sa mga classroom bilang evacuation isolation facilities ay hindi nakatutulong sa pagtataguyod ng ligtas na paaralan sa ilalim ng new normal.
Babala pa ng senador na magsisilbi ring balakid sa pagbubukas ng klase ang naturang hakbangin at inihalimbawa ang report ng Department of Education na nasa 18,314 estudyante ang hindi agad
nakabalik sa pag-aaral matapos ang pagsabog ng Taal Volcano ngayong taon dahil 3,083 classrooms ang ginamit bilang evacuation centers.
Binigyang-diin ng mambabatas na napapanahon na ring ipasa ang Senate Bill 747 o ang proposed Evacuation Center Act na nagmamandato para sa pagkakaroon ng permanenteng evacuation sa
bawat lungsod at munisipalidad.
Alinsunod sa panukala, ang mga evacuation center ang magsisilbing temporary shelter sa mga taong apektado ng bagyo, pagbaha, storm surges, tagtuyot, sunog at ang outbreak ng iba’t ibang
sakit. (DANG SAMSON-GARCIA)
158
