PERSONALAN, BALASAHAN SA KAMARA

Sa gitna ng ouster plot vs Cayetano

NAGKAROON ng kudeta sa mababang kapulungan ng Kongreso subalit hindi sa Speakership kundi sa chairmanship ng makapangyarihang House committee on appropriation at House of Representatives Election Tribunal (HRET).

Sa sesyon ng Kamara nitong Lunes ng hapon, nag-move si Senior Deputy Majority Leader Jesus Crispin Remulla na palitan si Davao City Rep. Isidro Ungab bilang chairman ng appropriation committee.

Agad inihalal na kapalit ni Ungab si ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap habang tinanggal naman si Oriental Mindoro Rep. Doy Leachon bilang head ng HRET at ipinalit sa kanya si Kabayan party-list Rep. Ron Salo.

Dahil nabakante ang House committee on games and amusement na pinamumunuan ni Yap ay inihalal si Abra Rep. Joseph Sto. Nino Berno na mamuno sa nasabing komite.

Wala pang ipinapalit kay Salo sa chairmanship ng House committee on public information.

Bago ito ay nagkaroon ng caucus ang majority congressmen na hindi binuksan sa media.

Noong weekend ay umugong  na matutuloy umano ang kudeta  laban kay Cayetano nitong Lunes subalit si Ungab ang lumalabas na ikinudeta ng kasalukuyang liderato ng Kamara.

Si Ungab ay kabilang sa tinatawag na Davao group sa Kamara at naging chairman ng Committee on Appropriation sa Davao City government noong mayor pa si Pangulong Rodrigo Duterte.

PERSONALAN NA

Kaugnay nito, nagpepersonalan na ang ilang kongresistang supporters nina House Speaker Alan Peter Cayetano at incoming Speaker Lord Allan Velasco sa gitna ng isyu ng kudeta sa Kongreso.

Unang nagbanggaan sina Mindoro Rep. Leachon na supporter ni Velasco at Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte na nasa panig naman ni Cayetano.

“Di ko alam kung ito si Cong. LRay eh lalaki o babae,” ani Leachon matapos manawagan umano si Villafuerte sa super majority coalition na balewalain ang term-sharing agreement nina Cayetano at Velasco.

Ibinunyag din ni Leachon na may P10 Billion alignment si Villafuerte sa ilalim ng 2020 national budget at may alokasyon pa aniya na P500 Million para sa konstruksyon ng provincial capital building sa Pili, Camarines Sur kung saan anak nito ang governor.

“Eh ikaw ba Cong. LRay, may mga gravitas ka pang nalalaman, eh sino ka ba? You’re nothing but a ‘sucking opportunist aide’ of the leadership. You are abusing your cling to house leadership to advance your personal interest,” ani Leachon.

“Again, pagpasensyahan na lang natin si Rep.  Leachon sa lahat ng kababuyan lumabas sa bibig  nya kasi nagka-high blood pressure yata at baka nasobrahan sa pagkain ng lechon,” sagot naman ni Villafuerte.

Tinawag naman ni Buhay party-list Rep. Lito Atienza si Kabayan party-list Rep. Ron Salo na “dagang dingding” nang bansagan ng huli ang una na “Mr. Quorum” dahil wala itong ginagawa sa Kongreso kundi magkuwestiyon ng quorum. BERNARD TAGUINOD

124

Related posts

Leave a Comment