PERYODISTA ‘PERSONA NON GRATA’ SA BULACAN

IDINEKLARANG ‘persona non grata’ ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang isang mamamahayag dahil sa umano’y malisyosong post nito sa social media kaugnay ng pagdiriwang ng Singkaban Festival 2025 sa lalawigan.

Ang mamamahayag ay kinilalang si Orlan Mauricio, correspondent ng Manila Standard na siyang publisher ng Metro News weekly newspaper sa lalawigan ng Bulacan.

Noong Lunes, Setyembre 15 sa isang resolusyon na inilabas ng Pamahalaang Panlalawigan sa pangunguna nina Gov. Daniel Fernando at Vice Gov. Alexis Castro kasama ang board members ng Sangguniang Panlalawigan, inanunsyo matapos ang isinagawang Special Session sa Benigno Aquino Hall, ang pagdedeklara bilang persona non grata kay Mauricio.

Ito ay nag-ugat sa social media post umano ni Mauricio sa kanyang Metro News Facebook Page kung saan sinabi ng gobernador na malisyosong tinawag ni Mauricio ang ‘Singkaban Festival’ bilang “Sikwatan Festival” habang ang prestihiyosong ‘Dangal ng Lipi’ Awards ay tinawag bilang “Hangal ng Lipi” Awards.

Nasaktan umano si Fernando sa mga tinuran ni Mauricio dahil ang lalawigan aniya ng Bulacan ay hindi dapat mabastos.

Ayon kay Fernando, ito umano ay deretsahang pambabastos at pagyurak sa reputasyon ng Pamahalaang Panlalawigan at maging bilang isang Bulakenyo.

Sinabi pa ng gobernador na nakahanda rin silang magsampa ng cyber libel case laban kay Mauricio kasabay ng panawagan sa Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas (KBP) na tanggalin ang accreditation nito bilang journalist dahil sa ginawa nitong pag-insulto sa kultura at identity ng Bulacan.

“Sagrado po ang pagdiriwang ng aming festival at ‘di po kami papayag na lapastanganin ang kultura ng ating lalawigan,” wika ni Fernando sa isinagawang press conference.

Ang Singkaban Festival na tinaguriang “Mother of all festivals in Bulacan” ay isang kulturang taunang ipinagdiriwang ng Pamahalaang Panlalawigan.

Samantala, sa kanyang social media post account na MetroNEWS Bulacan, sinabi nito na: “Si Orlan Mauricio ay hindi kaaway ng Bulacan. Si Celomar H. Dillaper ay isang saksi, anak ng Bulacan, tinig ng bayan, dahil siya ay saksi ng katotohanan.”

(ELOISA SILVERIO)

52

Related posts

Leave a Comment