PHARMALLY EXECS PASOK DIN SA SMUGGLING?

Ni JOEL O. AMONGO

BUKOD sa nagbabadyang patong-patong na asunto kaugnay ng pandaraya sa buwis, panibagong problema ang kinakaharap ngayon ng dalawa sa mga opisyales ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na nasa likod ng kontrobersyal na transaksyon kaugnay ng mga overpriced na medical supplies na binili ng pamahalaan sa kasagsagan ng pandemya.

Partikular na nadidiin sina Pharmally corporate secretary Mohit Dargani at corporate board director Linconn Ong na kapwa kinukwestyon kaugnay ng dalawang luxury vehicles – isang 2021 Porsche Turbo S at 2021 model ng Lexus RCF na bagama’t nakarehistro sa Land Transportation Office (LTO) ay wala naman umanong kaukulang papeles ng mga pinagbayarang buwis sa Bureau of Customs (BOC).

Sa rekord ng LTO, ang Porsche ay nakarehistro kay Dargani samantalang kay Ong naman nakapangalan ang Lexus.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate blue ribbon committee sa maanomalyang transaksyon ng Department of Budget and Management (DBM)
sa Pharmally, hayagang inamin ng BOC na wala silang record sa pagpasok ng mga nasabing sasakyan sa kanilang talaan.

Una nang binatikos ang Pharmally sa umano’y panda­raya ng nasabing kumpanya sa kanilang taunang pagbabayad ng tax matapos madiskubreng P97 milyon lang ang kanilang ibinayad na buwis sa gobyerno sa kabila pa ng mahigit P10 bilyong kontratang nakuha sa gobyerno noong nakalipas na taon.

Lumalabas din sa talaan ng pamahalaan ang tax refund na hinihingi ng Pharmally – bagay na ikinagulat ng mga mambabatas.

Sa pagsusuri ng senado, malinis ang papeles ng mga nasabing luxury vehicles na napag-alamang rehistrado sa LTO.

Gayunpaman, wala sa talaan ng BOC ang pagdaong at pagpasok ng mga naturang sasakyang inangkat pa sa ibayong dagat.

183

Related posts

Leave a Comment