KUMAMBYO si Philippine Army chief Lt. Gen. Cirilito Sobejana sa kanyang naunang rekomendasyon na isailalim sa martial law ang probinsiya ng Sulu, matapos ang twin suicide bombing incident sa Jolo na ikinasawi ng 15 indibidwal kabilang ang walong sundalo habang 75 ang sugatan.
Ayon kay Sobejana, “there might be better options,” bagama’t aminado ito na maraming nagawa at naisakatuparan ang kasundaluhan sa kanilang security efforts nuong panahon na siya pa ang pinuno ng Joint Task Force Sulu nuong 2017 nang ang buong Mindanao ay nasa ilalim ng martial rule.
“I drop my recommendation for ML declaration over Sulu despite the turmoil as there might be other better options. Besides, I always give due respect to the wisdom of our national leadership and the sentiment of the general public but I felt it appropriate to share with you that the military had displayed utmost professionalism and maturity during our ML implementation in Sulu when
I was the JTF Sulu Commander in 2017,” ayon pa sa inilabas na pahayag ng heneral sa media.
Una rito, may mga local leader at mambabatas sa mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso ang sumalungat sa rekomendasyon.
“Last option na ang Martial Law,” ang naging ang pahayag ni Senador Christopher Bong Go patungkol sa mga nagsusulong ng batas militar sa Sulu.
Sinabi ni Go na kung kaya naman ng Anti-Terror Law na sugpuin o makatulong sa pagsugpo ng terorismo sa lugar ay hindi na kailangan ang martial law.
Nilinaw naman ng senador na kung kinakailangan talaga ng batas militar ay susuportahan niya ito bilang kasama ang Senado sa mag-aapruba nito.
Base sa inilabas na pahayag ni Sobejana kahapon, hindi na niya ipupursige ang pagsusulong ng martial law sa lalawigan ng Sulu dahil may iba pa namang option para mapigilan ang anomang karahasan sa Sulu.
Paliwanag ni Sobejana, ginawa lamang niya ang rekomendasyon dahil naging epektibo ang implementasyon ng Batas Militar sa buong Mindanao lalo na sa Sulu noon. (JESSE KABEL)
158 