KINASTIGO ni Senador Imee Marcos ang pag-iwas ng mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na isama sa pag-audit ang P10 bilyong pondo nito dahil ginagawang
pneumonia ang kaso ng simpleng sipon o may ghost patients sa ganitong uri ng sakit.
Sa pahayag, inirekomenda ni Marcos na itigil muna ang paglabas ng may P10 bilyon pondo ng PhilHealth kung hindi naman ito gagamitin para sa testing at paggamot sa COVID-19 at hindi pa
makapagbigay ang ahensya ng detalyadong pagsisiwalat sa paglalabas ng pondo nito.
Sinabi ni Marcos na tila umiiwas sa pag-audit ng mga pondong inilabas nito, gamit ang kakulangan ng Republic Act 11332 o ang batas na mandatong iulat ng ahensya sa gobyerno ang anomang
nakahahawang sakit.
Paliwanag ni Marcos, hindi tugma ang pneumonia sa depinisyon ng batas sa isang tinatawag na “notifiable disease,” kaya “nagagawang i-balewala ng mga buwitre-bandido sa PhilHealth ang
detalyadong pagsiwalat sa mga kaso ng pneumonia at tuloy ang singil-suhol ng mga ospital.”
“Ang kakulangan sa batas at kabiguan ng PhilHealth na magsumite ng listahan ng mga kaso at ospital na dapat bayaran ay gumagatong pa sa simpleng sipon na ginawang pneumonia o kaya sa
mga tinatawag na ‘ghost patients’,” pahayag ni Marcos.
Binigyang-diin ni Marcos na ang pneumonia ang nangunguna sa listahan ng mga sakit kung saan naglalabas ng pondo ang PhilHealth para ibayad sa mga ospital bunsod ng pandemyang COVID-19.
Ayon kay Marcos, matagal nang hindi nagsusumite ang PhilHealth ng listahan kahit pa hinihingi ito ng Senado noon pang nakaraang taon, at obligasyon din ang pagsumite ng datos sa mga municipal health office at Commission on Audit.
Kaya inihain ni Marcos ang Senate Bill 1416 para amyendahan ang R.A. 11332, partikular na nakasulat ang pneumonia sa listahan ng mga “notifiable disease” at mas maobliga ang pag-uulat sa
panahon ng pandemya at anomang public health emergencies.
Pinasususpinde rin ni Marcos ang koleksyon ng premium ng PhilHealth, na kabilang sa mga pinag- iisipang opsyon ng gobyerno para masolusyunan ang nawalang bilyong halaga ng kontribusyon ng mga miyembro nito at subsidiya ng gobyerno. (ESTONG REYES)
174
