NEGATIBO sa COVID-19 virus si Philippine Navy Flag Officer-in-Command Vice Admiral Giovanni Carlo Bacordo, base sa resulta ng RT-PCR (swab) test nito nuong Martes.
Mismong si Vice Adm Bacordo ang nagsabing siya ay sumailalim sa self-quarantine matapos dumalo sa commissioning ceremony ng BRP Jose Rizal (FF150) sa Subic kung saan isang junior officer na kasamang dumalo sa event ang nagpositibo sa COVID-19.
Bukod kay Bacordo, negatibo rin ang ibang officers na dumalo sa seremonya na kinabibilangan nina: Navy Vice Commander Rear Admiral Rey dela Cruz, Philippine Fleet Commander Rear Admiral Loumer Bernabe at Offshore Combat Force Commander Commodore Karl Decapia.
Samantala, dalawang crew members ng BRP Jose Rizal na naghahanda para sa sasalihang Rim of the Pacific (RIMPAC) 2020 maritime exercise sa Hawaii ang nagpositibo sa COVID-19 matapos ang commissioning ceremony. Nasa quarantine facility na rin ang mga ito.
Patuloy naman ang ginagawang paghahanda ng Philippine Navy para sa pag-alis ng BRP Jose Rizal sa July 29 para makiisa sa RIMPAC 2020 maritime exercise.
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson Lt. Commander Maria Christina Roxas, ang mga personnel na lalahok sa RIMPAC bukod pa sa crew ng BRP Jose Rizal ay sumailalim na rin sa RT-PCR testing sa Philippine Arena.
Sinabi ni Roxas na ginagawa ng Philippine Navy ang lahat para matiyak na in-place ang mga ipinatutupad na health and safety protocols para matiyak na patuloy sila sa pagtupad ng kanilang mandato sa kabila ng nararanasang pandemya dala ng coronavirus. (JESSE KABEL)
