PHL MAGPAPADALA NG 90-MAN TEAM SA MYANMAR

NAKATAKDANG lumipad ngayong Martes ang 90-man team na binuo ng Department of Nationals Defense-National Disaster Risk Reduction and Management Council, patungong Myanmar para tumulong sa isinasagawang humanitarian effort kasunod ng magnitude 7.7 earthquake na tumama sa nasabing bansa.

Inutos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang pagpapadala ng humanitarian mission sa earthquake hit Myanmar para tumulong sa search and rescue operation at medical emergencies.

Nabatid na nagkukumahog ngayon ang iba’t ibang rescue volunteer’s para hanapin ang daan-daang missing na pinaniniwalaan natabunan ng gumuhong mga gusali kasunod ng lindol na tumama sa bayan ng Mandalay noong Biyernes na kumitil ng mahigit 1,600 katao.

Kabilang sa mga ipadadala ng gobyerno ng Pilipinas ang ilang sundalo, medical personnel, at search, rescue and retrieval (SRR) teams sa Myanmar.

Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), kabilang sa Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent (PHIAC) ang: 3 personnel mula sa OCD; 10 personnel mula sa Philippine Army (PA) 525th Engineering Combat Battalion; 11 personnel mula sa Philippine Air Force (PAF) 505th Search and Rescue Group; 10 personnel mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) – Special Rescue Unit; 10 personnel mula sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA); 14 search and rescue personnel mula sa private sector; at 32 medical personnel mula sa Department of Health (DOH).

Gaganapin ang send-off ceremony sa Colonel Jesus Villamor Air Base sa Pasay City ngayong Martes ng umaga, at posibleng tumagal ang 90-man team ng dalawang linggo.

Nagbabala naman ang NDRRMC at OCD sa sambayanang Pilipino na sana ay maging wake-up call ang malakas na lindol na tumama sa Myanmar at Thailand para seryosohin ang isinasagawang nationwide earthquake drill bilang paghahanda sa “The Big One”.

Ayon kay OCD administrator USec. Ariel Nepomuceno, baka hindi kayanin ng maraming lugar sa bansa sakaling tumama sa atin ang magnitude 7.7 earthquake.

Samantala, si Defense Secretary and National Disaster Risk Reduction and Management Council Chairman, Gilberto Teodoro, Jr., ay nagpahatid ng kanyang pakikiramay sa bansang Myanmar, “We stand in solidarity with Myanmar during this difficult time. The Philippines is ready to respond to the urgent needs of our neighbors, and we are mobilizing resources to provide assistance as quickly as possible.”

(JESSE KABEL RUIZ)

23

Related posts

Leave a Comment