PILIPINO, ANG RESPONSABLENG TAO

AT YOUR SERVICE ni Ka Francis

ANO nga ba ang responsable? Ang responsable ay may pananagutan, gaya sa isang bagay o tao na nasa ilalim ng pamamahala o pangangasiwa; mapagkakatiwalaan, “may pananagutang moral para sa sarili; may kakayahang kumilos nang makatuwiran; kumikilos nang may kusa sa kanyang mga gawain”.

Ang responsableng tao, ay may kakayahan at handang tumugon sa inaasahan ng sitwasyon, at pinanagutan ang mga ginagawa o desisyon kasama ang pagharap sa anomang kahihinatnan.

Bilang responsable ay tinutupad natin ang responsibilidad nating mga magulang sa ating mga anak.

Isa sa maituturing na responsableng tao ang Pilipino, ito’y marahil ay dahil sa pagiging mapagmahal sa kanilang pamilya.

Sa katunayan, sa pamilyang Pilipino, kahit na may sariling pamilya na ang mga anak nito ay nakasukob pa rin sila sa kanilang mga magulang.

Samantala, ang ibang lahi na tulad ng mga Amerikano, kapag umabot na ng 18-anyos ang kanilang mga anak ay nagsasarili na ang mga ito ng pamumuhay.

Mapatutunayan din na sobrang malapit ang Pilipino sa kanyang pamilya dahil sa panahon ng Holiday Seasons at pagsalubong ng Bagong Taon ay kumpleto ang mga miyembro ng pamilya.

Makikita rin na malapit sa isa’t isa ang pamilyang Pilipino, sa umiiral na mga batas ng pamahalaan na maraming holidays ang ipinatutupad, na nagbibigay ng maraming pagkakataon para magsama-sama ang buong pamilya.

Hindi rin nawawala ang pagtanaw ng utang na loob sa mga Pilipino na kapag may nakagawa sa kanya ng mabuti ay hindi niya ito makalilimutan.

Bagama’t sinasabi na ang bansa natin ay isang “third world country” o mahirap na bansa sa mundo, punong-puno naman ng pagmamahalan ang mga miyembro ng pamilya nito.

Makikita ang pagiging responsable ng mga miyembro ng pamilyang Pilipino, sa mga anak, magulang, lolo’t lola.

Hindi nila natitiis o pababayaan ang kanilang kamag-anak na naghihirap kahit na ito may sarili nang pamilya.

Kaya ring manindigan ng mga Pilipino, may pananagutan, mapagkakatiwalaan, may kakayanang kumilos nang makatuwiran at gumagawa ng mga bagay na maituturing bilang responsableng tao.

Kung may responsableng mga Pilipino, mayroon din namang iresponsable na hindi pinaninindigan ang responsibilidad sa pamilya at sa kapwa Pilipino.

Ang pagiging responsable ng tao ay hindi lang nakikita sa pagtrato sa kanyang pamilya kundi maging sa kanyang trabaho, lalo kung tayo ay pumapasok sa tanggapan ng gobyerno.

Dahil dito, ay dalawa ang ating nagiging responsibilidad, pamilya at opisina na pinaglilingkuran.

oOo

Salamat pala sa pamunuan ng Malabon City Hall, sa pamamagitan nina Mayor Jeannie Sandoval at Congresswoman Jay Lacson, sa suporta sa CAMANAVA Press Corps, sa pamumuno ni Ka Maeng Santos bilang bagong Presidente.

oOo

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong tumawag o mag-text sa cell# 0917-861-0106.

50

Related posts

Leave a Comment