DPA ni BERNARD TAGUINOD
DUMARAMI na naman ang krimen sa ating bansa at wala na namang takot ang mga drug addict sa paghahasik ng lagim dahil alam nila na hindi na sila basta-basta papatayin tulad noong nakaraang administrasyon.
Noong kasagsagan ng war on drugs ng nakaraang administrasyon, nagkaroon ng takot ang mga adik kaya nag-alisan sila sa kanilang lugar at nagtago muna sa probinsya kung saan wala ang kanilang pangalan sa listahan ng barangay.
‘Yung mga taga-Metro Manila umuwi muna sa kanilang probinsya habang ‘yung mga taga-probinsya ay nagbakasyon muna sa kanilang mga kaanak sa Metro Manila kaya hindi sila naisama sa list of casualties sa war on drugs.
Naging payapa ang mga lansangan hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa mga probinsya at ang naiuulat na mga krimen noon ay ‘yung mga pinatay ng riding in tandem na nilalagyan ng karatulang “adik huwag tularan” at ang mga napatay ng mga pulis sa kanilang operasyon.
Pero ngayong maluwag na naman, bumabalik na naman ang takot ng mga tao dahil walang araw na hindi ka makababasa ng patayan na kagagawan ng mga drug addict, nakawan na kagagawan ng mga gumagamit ng ilegal na droga.
Tulad na lamang ‘yung ex-convict sa Cebu na pumatay ng tatlong tao na napadaan lang sa kanyang tinatambayan habang lulong sa ilegal na droga, isang indikasyon na kalat na naman ang shabu.
Sabagay, hindi naman talaga nawala ang shabu noong panahon ng war on drugs dahil ‘yung mga napatay ay mga gumagamit lamang at hindi ang drug lords na siyang nagdadala at nagkakalat talaga ng ilegal na droga sa ating bansa.
Ilang drug lords ba ang napatay? Meron naman pero may mga amo pa ang mga napatay na drug lord na hindi ginalaw at nagkaroon pa ng legal na negosyo na ginamit na front para labhan ang kanilang drug money.
Siguro kung ang inuna sa war on drugs ay ‘yung drug lords na singkit ang mga mata, mga protektor nila sa gobyerno at ninja cops na hindi idinideklara nang buo ang mga nakukumpiska at ibinabalik sa lansangan para gawing pera, ay baka nagtagumpay ang war on drugs.
Ang problema, ‘yung mga gumagamit ang unang pinatay at ang masama, maraming inosenteng mamamayan ang nadamay at may mga impormasyon pa na ilan sa mga napatay ay ginamit lang na pang-quota kaya hindi nagtagumpay ang war on drugs.
Ngayon, kumakalat na naman ang ilegal na droga, dapat paigtingin muli ng Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies, ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga at kunin ang drug lords by hook or by crook.
Hanggang walang bigtime drug lords ang mahuhuli o mapapatay at hanggang may sumusuporta sa kanila na mga tiwali sa gobyerno, ay hindi mawawala ang ilegal na droga sa ating Inang Bayan!
