PILIPINO ANG TAO NA PASENSYOSO

At Your Service Ni Ka Francis

ISA sa mga kaugalian ng mga Pilipino na pwedeng ipagmalaki sa buong mundo ay ang pagiging pasensyoso sa lahat ng panahon.

Dahil sa kaugaliang ito ng mga Pinoy kahit saan bansa sila pumunta at magtrabaho ay madali silang nagkakaroon ng mga kaibigan.

Madali silang nakakapag-adjust sa ugali ng iba’t ibang lahi ng mga tao sa buong mundo.

Nakikitaan din sila ng kababaan ng loob ng ibang lahi ng mga tao kaya mabilis silang nagkakaroon ng mga kakilala saan man sila nandoon.

Hindi rin sila isnabera o isnabero na naka-eengganyo sa ibang lahi na lapitan sila para makipagkilala sa kanila.

Ang kaugaliang ito ng mga Pilipino ang dahilan kaya marami sa employers sa ibang bansa ang hinahanap na maging empleyado ay ang lahi ni Juan dela Cruz.

Mataas man ang pinag-aralan ng mga Pilipino ay namamantina nila ang pagiging pasensyoso sa lahat ng panahon.

Matibay rin ang mga Pilipino sa hamon ng buhay kahit na lagpas sa kanilang height ang hinaharap na problema.

Kakaiba ang lahi ni Juan dela Cruz sa mga bansa sa Asya sa pagharap ng problema.

Ika nga ng ilan, “matibay ang dibdib” ng mga Pinoy.

Binabagyo na’t binabaha pa ay nakangiti pa rin tayo habang ini-interview ng taga-telebisyon.

Hindi tayo katulad ng mga Hapon, Koreano at iba pang lahi ng tao sa mundo na ‘pag mabigat ang kanilang problema ay agad silang nagpapakamatay.

Marahil dahil sanay na tayo sa hirap, kung baga ‘pag tayo ay yumaman ang pakiramdam natin ay sobrang pagpapala na sa atin ng amang nasa langit.

Walang ibang lahi ng tao sa buong mundo na kasing tibay ng dibdib ng mga Pilipino sa pagharap ng mga problema kundi ang mga Pilipino.

Marahil ito ang ibinigay sa atin ni Lord dahil alam niya na kaya natin ito paglabanan kahit na anong bigat ng problemang ating kakaharapin.

220

Related posts

Leave a Comment