LUNGSOD NG MALOLOS – Sampung milyong pisong halaga ng mechanized farming equipment kabilang ang dalawang unit ng combined harvester at limang unit ng mini-4-wheel tractors, ang natanggap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan (PGB) mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa ginanap na turn over ceremony sa harap ng provincial capitol noong Huwebes, Hulyo 18, 2024.
Pormal na ibinigay ni PAGCOR Chairman at Chief Executive Officer Alejandro H. Tengco kay Gobernador Daniel Fernando ang P10-M halaga ng nasabing mga makinarya.
Ang mga makinarya na ito ay pamamahalaan ng PGB sa pamamagitan ng Provincial Agricultural Office (PAO) kung saan ang mga magsasaka ng Bulakenyo ay magkakaroon ng mas madaling access sa oras na kakailanganin nila ang mga ito kanilang mga sakahan.
Ang programa ay matagumpay na naisagawa sa pakikipagtulungan ni Bulacan 1st District Representative Danilo A. Domingo at Gov. Fernando para sa mga magsasaka mula sa Lungsod ng Malolos at sa mga bayan ng Bulakan, Calumpit, Hagonoy, Paombong at Pulilan.
Samantala, nagpahayag naman ng pasasalamat si Fernando kay Tengco sa malaking tulong nito sa pagpapalakas ng sektor ng agrikultura ng lalawigan.
Binigyang-diin din ng gobernador ang mga programa ng PGB kabilang ang Bulacan Farmer’s Productivity Center at training school, at ang Provincial Government Multiplier and Breeding Center para makamit ang food security at sufficiency. (ELOISA SILVERIO)
