IGINIIT ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kahalagahan ng matibay na suporta ng magulang at malapit na ugnayan ng pamilya upang matugunan ang mga panganib sa kalusugan ng isip ng mga bata.
“Kailangan talaga nating bumalik sa pamilya. Kailangan nating palakasin ang ugnayan ng pamilya,” sabi ni DSWD Assistant Secretary at tagapagsalita Irene Dumlao sa isang panayam nitong Lunes, Setyembre 21.
Ayon kay Dumlao, may responsibilidad ang mga magulang bilang pangunahing tagapag-alaga na lumikha ng ligtas at suportadong kapaligiran kung saan malayang maipapahayag ng mga bata ang kanilang iniisip, alalahanin, kaligayahan at iba pang karanasan.
Binigyang-diin niya na mahalagang regular na kinakausap at pinakikinggan ng mga magulang ang kanilang mga anak upang hindi sila mapilitang humanap ng ibang mapagsasabihan, lalo na sa social media.
“Hindi na nila kailangan na maghanap ng ibang makakausap, lalo na sa social media. Hindi na sila maghahanap ng digital friends kung sa loob ng pamilya ay meron silang nakakausap, nakikinig, at nakakaintindi sa kanilang nararamdaman,” ani Dumlao.
Sinabi ni Dumlao na isinasagawa na ang ganitong family-strengthening activities sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Family Development Sessions (FDS), na isa sa mga kondisyon ng programa.
Gayunman, sinabi niyang kailangang palawakin pa ang implementasyon ng Parent Effectiveness Service (PES) Program sa pakikipagtulungan sa iba pang ahensya ng pamahalaan at mga local government unit (LGUs).
Layunin nito na mapalakas ang pamilya, relasyon ng mga miyembro nito at responsibilidad ng mga magulang sa pagpapalaki ng kanilang mga anak.
“Talagang ang mga magulang, iba pang miyembro ng pamilya, at iba pang mga may tungkulin ang dapat na unang magbigay at maglaan ng atensyon,” dagdag ni Dumlao.
Isinagawa ang PES Program sa ilalim ng Republic Act No. 11908 o Parent Effectiveness Service Program Act of 2022, na nagbibigay ng kakayahan sa mga magulang at mga nagsisilbing kapalit ng magulang na higit na maunawaan ang kanilang sarili at mga responsibilidad sa pagpapalaki ng anak.
Ayon kay Dumlao, mahalagang makinig ang mga magulang sa kanilang mga anak at maglaan ng de-kalidad na oras sa pamilya upang mabawasan ang panganib na maimpluwensyahan sila ng mga negatibong impluwensya sa digital world.
(PAOLO SANTOS)
45 