Pinaiimbestigahan ni Digong P221-B ASSETS NG PHILHEALTH MAUUBOS SA KORAPSYON

NANGANGANIB “maubos” ang P221 bilyong pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sanhi ng malawakan at patuloy na korapsiyon sa ahensiya kaya hindi dapat ipagkibit-balikat ang isyu.

Dahil dito, dapat imbestigahan at panagutin ang sinomang sangkot sa katiwalian, ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon.

“Whatever their issues in PhilHealth are, we must protect the funds of PhilHealth to the tune of P221 billion both from corruption and disarray in the agency,” ayon kay Drilon.

Sinabi ni Drilon na hindi na nakapagtataka ang alegasyon dahil sa nakaraang panahon ay naging kontrobersyal din ang PhilHealth sa pagkakaroon umano ng “ghost dialysis patients at “ghost cataract patients”.

Naunang ibinulgar ni Drilon ang overpriced na COVID-19 test package ng PhilHealth noong nakaraang Mayo kaya ibinaba ng ahensiya ang halaga mula sa P8,150 tungo P3,409, kaya nakatipid ang Filipino ng  P9.8 bilyon.

Iginiit ni Drilon na nawawalan ng kredibilidad ang PhilHealth na pamahalaan ang P221 bilyong halaga ng pondo nito mula sa ibinabayad ng kanilang miyembro dahil sa lawak at laki ng hinihinalang korapsiyon sa ahensiya.

Naunang Inihayag ni PhilHealth President at Chief Executive Officer Ricardo Morales noong Abril na may kabuuang  P221 bilyon pondo ang ahensiya.

Tinukoy pa ni Drilon na tumanggap din ang ahensiya ng P71 bilyon bilang government subsidy sa national budget.

IIMBESTIGAHAN

Kaugnay nito, magsasagawa ng imbestigasyon ang Senado sa panibagong kontrobersiya ng kurapsyon sa PhilHealth na kinapapalooban ng P2 bilyon umanong questionable transactions.

Ayon kay Senador Panfilo Lacson, pangungunahan nito ang pagpapatawag ng imbestigasyon para muling himayin ang katiwalian na patuloy na nangyayari sa nasabing ahensya.

“I am now drafting a resolution calling for a Senate Committee of the Whole inquiry. As expressed by SP Sotto to me last night, this inquiry will be one of the Senate’s top agenda after our session resumes on Monday,” sabi ni Lacson.

Ipinarating naman ni Senador Christopher Lawrence Go sa liderato ng PhilHealth na tigilan na ang katiwalian at kung hindi ay dapat nang magbitiw ang mga ito sa posisyon.

UTOS NI DIGONG

Kinumpirma naman ng Malakanyang na ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang imbestigasyon sa PhilHealth.

Ito’y may kinalaman sa diumano’y overpriced purchase ng IT system na umabot ng P2 billion.

Sa katunayan, inatasan ng Pangulo si Undersecretary Jesus Melchor Quitain ng Office of the Special Assistant to the President na pangunahan ang imbestigasyon sa PhilHealth.

Ang kumpirmasyon ani Presidential spokesperson Harry Roque ng imbestigasyon sa PhilHealth ay kumpirmasyon din ng personal na pagtanggap niya ng kopya ng resignation letter ni PhilHealth anti-fraud legal officer, Mr. Thorsson Montes Keith.

Hinikayat din ni Sec. Roque si Keith na makipagtulungan sa imbestigasyon na pinamumunuan ng Presidential Management Staff.

Subalit, sa hiwalay na panayam ay itinanggi ni PhilHealth president Ricardo Morales ang iregularidad sa ahensiya.

Hinamon pa nito si Keith na suportahan ang kanyang alegasyon na may “widespread corruption” sa ahensiya.

Sa isang panayam pa rin, sinabi ni PhilHealth spokesperson Gigi Domingo na hindi nila kinukunsinti ang korapsyon sa ahensiya.

DISMAYADO

‘Laglag-balikat’ naman ang ilang mambabatas sa Kongreso sa sumabog na hidwaan ng mga opisyal ng PhilHealth dahil sa hindi mapigilang anomalya.

“Patunay ‘yan na hindi pa rin nawawala ang katiwalian sa PhilHealth kahit ilang beses nabunyag ang mga anomalya dyan,” pahayag ni ACT party-list Rep. France Castro.

Dismayado si Castro dahil wala pang pagbabago aniya sa PhilHealth sa kabila ng imbestigasyon ng dalawang Kapulungan ng Kongreso kaya kailangan na aniya ang seryosong aksyon ni Pangulong

Rodrigo Duterte dito upang maproteksyunan ang pera ng mamamayan. (ESTONG REYES/NOEL ABUEL/CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)

148

Related posts

Leave a Comment